NANAWAGAN si Sen. Grace Poe sa mga bus operator na isakatuparan ang kanilang mandato at serbisyuhan ang mga pasahero matapos ma-stranded ang marami simula noong nakaraang linggo.
“‘Wag naman natin silang ipitin at pahirapan pa sa pag-aabang, pagbabakasakali at pagpapalipat-lipat ng masasakyan,” sabi ni Poe.
“Ang pamantayan dito ay masugid na paglilingkod sa mga pasaherong palabas at papasok ng mga probinsya na kandahirap sa pagbubuhat ng kanilang mga bagahe, kapos sa panggastos at walang lugar na matutuluyan sa Metro Manila,” paalala ng chair ng Senate public services committee.
Naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show-cause order sa anim na provincial bus companies para pagpaliwanagin sila sa naturang pagkaka-stranded ng mga pasahero. Nagtakda ang ahensiya ng birtwal na pagdinig sa Mayo 10.
Nilimitahan umano ng ilang provincial bus operator ang kanilang operasyon batay sa window hours na alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw upang magamit ang kani-kanilang pribadong terminal sa Metro Manila. Nanindigan naman ang mga opisyal ng transportasyon na ang nasabing mga bus ay maaaring bumiyahe sa National Capital Region kahit lagpas na sa naturang mga oras patungo sa mga itinalagang intermodal terminal.
Nauna nang nag-ikot ang tanggapan ng senadora sa mga intermodal transport terminal, kabilang na sa North Luzon Express Terminal sa Bocaue, Bulacan, kung saan may kakaunting bus at pasahero noong Biyernes.
“Ang masakit pa, sa halip na makatipid, mas lumaki ang kanilang gastusin sa paghahanap ng masasakyan,” ani Poe.
Una nang binigyang-diin ng senadora ang kahalagahan ng pagtatatag ng seamless connectivity sa pampublikong transportasyon para sa mas mabilis at mas kumbinyenteng pagbiyahe.
Dito nakabatay ang episyenteng mga intermodal transport terminal sa mga ” istratehikong lokasyon na madaling puntahan ng mga pasahero.
“Dapat isaalang-alang ang interes ng mga pasahero higit sa lahat. Hindi ito dapat ikompromiso,” diin pa ni Poe.
Kasabay nito, hinikayat ng senadora si Transportation Secretary Arthur Tugade na kumumpas para masolusyunan ang mga hamong kinakaharap ng mga pasahero ng pamprobinsyang bus papasok at palabas ng Metro Manila.
“Nananawagan tayo kay Secretary Tugade para maisaayos ang mga gusot sa pagbiyahe ng ating mga pasaherong pilit na binubuno ang mahabang oras sa kalsada,” ayon kay Poe. VICKY CERVALES