(Panawagan sa DBM) PENSION HIKE NG SENIORS IBIGAY NA

PINATITIYAK ni Senate Majority Leader Joel Villanueva, principal sponsor ng Increased Social Pension of Indigent Senior Citizens Law, sa Department of Budget and Management (DBM) na may nakalaang pondo para sa dagdag na buwanang social pension ng mga indigent senior citizen.

Sa 2024 National Expenditure Program, naglaan ng P49.80 bilyon para sa P1,000 kada buwan na social pension ng mga indigent senior citizen.

Subalit iginiit ni Villanueva na ngayong 2023, nananatiling P500 kada buwan ang social pension ng mga indigent senior citizen kahit na naipasa ang batas na nagdodoble sa halaga nito noong nakaraang taon.

“Maawa naman po tayo sa ating mga senior citizens. Ibigay na po ang dagdag pension na dapat ay natatanggap na nila,” ani Villanueva.

“Bakit po ang flood control program na mayroong budget na P1.074 bilyon kada araw, ngunit hindi nararamdaman ang epekto, ay madali pong napopondohan, pero itong ayuda na kailangan na kailangan ng ating mga lolo at lola ay hirap na hirap po tayong hanapan ng pondo?” dagdag niya.

Sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act, P25.30 bilyon ang inilaang pondo para sa social pension ng mga indigent senior citizen. May inilaan ding P25 bilyon sa ilalim ng unprogrammed funds para sa dagdag-pensiyon.

Mandato ng Republic Act No. 11916, inisponsoran ni Villanueva noong 18th Congress ang pagdaragdag ng 100 porsiyento sa buwanang pensiyon – P1,000 mula sa dating P500 – ng mga indigent senior citizen, na tinatayang nasa 4.1 milyon sa kasalukuyan.

Inamyendahan ng batas ang Republic Act No. 7432, ang unang Senior Citizens Act. Sa budget briefing sa Senado, sinabi ng DBM na wala pang pondong nailabas mula sa unprogrammed funds para sa dagdag na pensiyon, na nangangahulugang wala pang indigent senior citizen na nakatatanggap ng dagdag-pensiyon sa taong ito.

“Our elderlies are pinning their hopes on the release of the unprogrammed funds to get their pension,” anang senador.

“Sa mahabang panahon ng paglalaan ng lakas sa kanilang pamilya at sa bansa, bigyan naman po natin sila ng kaunting ginhawa,” pagbibigay-diin pa niya.

VICKY CERVALES