PANAWAGANG MAGBITIW SI DUQUE IBINASURA NI DUTERTE

DUTERTE-41

AGAD na ibinasura ni Pangulong Rodrigo Duterte ang resolusyon ng 15 senador na magbitiw na sa puwesto si Health Secretary Francisco Duque III dahil sa sinasabing palpak na pagtugon sa COVID-19.

Inihayag ni  Executive Secretary Salvador Medialdea na nagdesisyon na ang Pangulo na panatilihin sa puwesto si Duque.

“Yes. The President has made a decision for Health Secretary Duque to stay put. He also expressed his appreciation for the senators’ gesture in giving him the opportunity to weigh his options on the performance of his Secretary of Health,” dagdag pa ni Medialdea.

Umaasa  ang Pangulo na lalo pang pagbubutihin ni Duque ang kanyang trabaho para patunayan ang kanyang kakayahan at sinseridad na paglingkuran ang publiko lalo na ngayong  nasa matinding krisis ang bansa.

Lumagda sa Senate resolution na pagbitiwin na si Duque  sina Senate President Vicente Sotto III, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Grace Poe, Manny Pacquiao, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino, Joel Villanueva, Ronald “Bato” dela Rosa, Imee Marcos, Lito Lapid, Ramon “Bong” Revilla Jr. at Panfilo Lacson.

Nilagdaan kahapon ng mga senador ang  Senate Resolution No. 362 na nagsabing dapat ay mag-resign na ang kalihim dahil hindi nito nagawa ang kanyang mandato.

Ayon sa mga senador, hindi kasi agad na inirekomenda ni Duque kay Pangulong Duterte ang pagpapatupad ng travel ban sa China kung saan nagsimula ang coronavirus.

Anila, palyado umano ang leadership ni Duque sa kinaharap na pandemic ng bansa sa coronavirus disease na kung saan,  ilan sa mga tinukoy  ng mga senador ay ang ” lack of foresight, transparency, poor planning, delayed response at flip-flopping policy,” ukol sa aksiyon sa COVID-19.

Nakasaad pa sa resolusyon, ang nasabing kakulangan ni Duque ay ang nagpahamak sa mga buhay ng mga healthcare professional, mga frontliner at mga Filipino. VICKY CERVALES

Comments are closed.