ANG nakuhang National Certificate sa kursong Hotel and Restaurant Services sa Cagayan de Oro Bugo School of Arts and Trades ang naging daan para matupad ni Maria Genilesa Enomlay-Martin ang kanyang inaasam-asam na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Pang-apat si Maria sa anim na magkakapatid. Maagang nawalan ng haligi ng tahanan ang kanilang pamilya kaya hindi naging madali ang buhay para sa kanila. Nais man ni Maria na makapag-aral ng kolehiyo, ay hindi niya ito magawa dahil sa kahirapan ng buhay. Dahil dito, hindi na pinalagpas pa ni Maria ang opurtunidad na makapag-aral sa TESDA.
Maraming beses ding hindi natanggap sa mga pinasukang trabaho si Maria, ngunit nagpatuloy pa rin siya sa pagsisikap hanggang sa matanggap siya bilang Turndown Service sa The Grand Davenport Hotel, Marriott Autograph Collection. Nang dahil sa kanyang pagpupursigi, si Maria ay isa na ngayong Housekeeping Assistant Manager sa nasabing Hotel sa Washington, USA.
Bukod sa skills, natutunan din ni Maria sa TESDA ang pagiging confident at pagrespeto sa ibang tao. Iba-iba man ang pinanggalingan nila ng kanyang mga katrabaho, itinuturing pa rin nila ang bawat isa bilang pamilya.
Sa ngayon ay patuloy pa rin si Maria sa pagsisikap para maabot ang isa pa niyang pinapangarap. Ito ay ang maging isang Department Manager.
Naniniwala si Maria na kaya niya itong abutin dahil ayon sa kanya, “I know I can do it because I am a TESDA product, I have the skills, passion and confidence.”
Comments are closed.