(Para tipid sa gasolina, pamasahe) WFH SETUP ITULOY

WFH

HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang mga ahensiya ng gobyerno, gayundin ang mga pribadong kompanya, na ipagpatuloy ang flexible work arrangement para makatipid sa gasolina at pamasahe at mapabuti ang lagay ng mga empleyado.

“Ang aking opisina ay patuloy na nagpapatupad ng work-from-home arrangement upang makatipid sa gasolina, makaiwas sa masikip na trapiko, makatipid sa oras, at maiwasan ang hirap ng pag-commute araw-araw papasok sa trabaho,” sabi ni Gatchalian.

Ang ganitong setup, aniya, ay mapakikinabangan din ng mga employer dahil makatitipid sila sa mga gastusin ng kompanya.

“Ito na ang new normal at produktibo pa rin katulad ng isang office setting. Malaking kaluwagan ito lalo na sa panahon ngayong aabot na sa isang daang piso kada litro ang produktong petrolyo at tumataas ang pamasahe. Dumarami na rin ngayon ang hindi bumibiyaheng pampublikong sasakyan dahil sa walang habas na pagtaas ng presyo ng langis,” dagdag pa ng senador.

Bago pa maglabas ng resolusyon ang Civil Service Commission (CSC) na nagpapahintulot sa flexible work arrangements sa mga ahensiya ng gobyerno, sinabi ni Gatchalian na ipinatutupad na ito ng ilang pribadong kompanya.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11165 o ang “Telecommuting Act”, ang mga pribadong kompanya ay maaaring mag-alok ng isang telecommuting program sa mga empleyado nila batay sa mga tuntunin at kondisyon na napagkasunduan nila.

Para mapalawig pa ang flexible work arrangement, nais ni Gatchalian na maisabatas ang kanyang panukala na magbibigay ng tax incentives sa mga empleyado na naka-work-from-home o telecommuting program at income tax deduction sa mga employer.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1706, kung saan co-author si Gatchalian, magbabawas ng P25.00 mula sa binuwisang kita ng isang empleyado sa bawat oras ng trabaho na ginawa sa ilalim ng WFH arrangement. Sa kanyang panukala, iminungkahi rin ng senador na huwag nang buwisan ang mga allowance at iba pang benepisyo ng mga empleyado na sumasaklaw sa mga gastos para sa telecommuting na hindi hihigit sa P2,000 kada buwan.

Sa bahagi ng mga employer, iminungkahi ng senador na maaaring bawasan ng karagdagang 50 porsiyento ang kanilang income tax deduction para sa mga allowance na sakop ng panukalang batas.

“Ang nasabing probisyon ay naglalayong mahikayat ang mga employer na magbigay ng mga kinakailangang allowance sa kanilang mga empleyado habang ang iminumungkahing pagbabawas ng buwis para sa mga manggagawa ay layong makapagbigay ng mas mataas na take-home pay para sa kanila,” dagdag pa ng senador.

– VICKY CERVALES