SA NAKALIPAS na tatlong taong halos tumigil ang mundo dahil sa pandemyang dulot ng Covid-19, higit na mas marami pa rin tayong ipagpasalamat – sa napagtagumpayan at natutunan – na malaki ang naitulong para lalong mapatatag ang ating sarili at pananalalig sa Maykapal.
Isa ang “Bisyong Pagnenegosyo” ng BVG Foundation sa walang sawang tumutulong sa ating mga kababayan na mabigyan na magkaroon ng sisimulang maliit na negosyo o maipagpatuloy ang nasimulang negosyo sa tulong din ng kanilang “angel investor”.
Nauna na nating naitampok ang mga kuwento ng ilan sa mga nakatanggap ng munting puhunan para makapagsimula ng kanilang maliit na negosyo mula sa “angel investors” ng Bisyong Pagnenegosyo na patuloy sa paglago at paglinang ng kaalamang pinansyal.
Kamakailan lang, sa ginanap ng Christmas Party ng Rotary Club of Marikina North (RCMN), regular na tumutulong sa BVG Foundation, sa ilalim ng pamumuno ni Roland Cardinoza, president, tatlong miyembro ng Rotary Community Corps (RCC) of Cupang, Antipolo ang nakatanggap ng tig-5,000 pesos na sina Jackie Madelo, Estileta Bantilan at Mae Ombing Timado bilang inisyal na capital sa kanilang sisimulang maliit na negosyo.
Ang nabanggit na katanggap na inisyal na capital ay kabilang sa nakakumpleto ng 5-part Webinar Series ng Bisyong Pagnenegosyo sa pangunguna ni Dok Benjie Ganapin, Jr., dating pangulo ng RC Cosmopolitan Cubao at nagtataguyod ng programa para mapalawak ang kaalaman at kakayanan sa nais na simulang maliit na negosyo.
Matapos makumpleto ang nabanggit na webinar series, hihingan ang mga ito ng kanilang “business plan” at masusing pag-aaralan ng kanilang “angel investors” tulad ng RCMN.
Dahil dito, malugod na binabati nina RCC chairman at past president Greg Pagulayan at president Rolad Cardinoza ang Bisyong Pagnenegosyo: “This is part of the Rotary Club of Marikina North’s focus on “growing local economies” and will form part of a program for all of the club’s RCCs (a total of three at the moment). Good luck to our lucky and persevering recipients and congratulations! Thank you!”
Tulad ng Bisyong Pagnenegosyo ng BVG Foundation at sa tulong na rin ng kanilang “angel investors”, ang patuloy na pagsusumikap pa rin at pananalig sa Maykapal ang higit nating kailangan. Magpasalamat tayo sa mga tumutulong sa atin pero dapat pa rin nating himukin ang ating sarili na maging kapaki-pakinabang ang pagpapasya kung nais talagang umunlad sa buhay.
Sa ating munting pagsusumikap, hindi natin namamalayan na kabilang na pala tayo sa nagpapalago ng ating ekonomiya at nawa’y magpatuloy itong umunlad at maging inspirasyon sa iba.
Ang lahat ng ito ay nagsimula sa maliit hanggang sa lumaki at maging PASABOG ang tinatamasang tagumpay basta’t laging katuwang ang PAG-IBIG sa kapwa at sa Panginoon, MANIGONG ang ating BAGONG TAON!
Ang PILIPINO Mirror ay laging katuwang ng Bisyong Pagnenegosyo sa kanilang mga programa para sa pagtulong at pagpapalago sa mga maliliit at nagsisimulang negosyante.
Malaki ang pasasalamat ng pahayagang ito sa mga masugid na mambabasa, advertisers at partners sa patuloy na suporta ninyo sa aming ika-sampung taon. Dahil sa inyo, naabot naming ang isang dekada at patuloy sa pagseserbisyo sa pamamagitan ng paghahatid ng de-kalidad na mga istorya, balita at kaalamang pang-negosyo.
Dahil din sa inyo, ANG UNANG TABLOID SA NEGOSYO ay linggu-linggo ring napakikinggan sa DWIZ 882 sa pamamagitan ng programang USAPANG PAYAMAN sa ganap na alas-dos hanggang alas-tres ng hapon.
Mula sa PILIPINO Mirror family, ISANG PAGBATI NG MASAYA, MAPAYAPA AT MANIGONG BAGONG TAON SA ATING LAHAT!
– Cris Galit