PAUTANG SA MALILIIT NA NEGOSYO LUSOT NA SA SENADO

LUSOT na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang panukalang magbibigay sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ng mas malaking tiyansa para makakuha ng pautang.

Sa botong 21-0, nakapasa sa Senado ang Bill No. 1459 o ang Personal Property Security Act na iniakda ni Senador Bam Aquino gayundin pasado na rin sa ikatlo at huling pagbasa ang bersiyon naman ng Kamara.

“Makatutulong ito sa mga maliliit na negosyo na nahihirapan makakuha ng mga loan sa bangko. Suportahan natin ang paglago ng maliliit na negosyo na kabuhayan ng mga pamilyang Pilipino,” giit ni Aquino.

Kapag naisabatas ito, sinabi ng senador na papayagan ang MSMEs na gamitin ang iba pang ari-arian, tulad ng inventory at kagamitan, bilang collateral para sa pautang.

Tinukoy din nito, immovable assets lang tulad ng lupa ang hinihingi ng mga bangko at iba pang financial institutions.

“Sa panukalang ito, mas madali at mas ligtas para sa mga bangko ang magpautang sa mga maliliit na negosyo,” diin ni Aquino na sinabing maaakit ang mga bangko na magbigay ng loans sa maliliit na negosyo para tulungan silang lumago.

Binigyang diin pa ng senador, makatutulong ang matagumpay na negosyo para makaahon sa kahirapan ang maraming Pilipino.

“Ang pagpasa sa Personal Property Security Act ay pagsuporta sa mga maliliit na negosyo at pamilyang Pilipino,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag nito, kadalasan personal ang assets ng MSMEs gaya ng kagamitan, inventory, alagang hayop, sasakyan at receivables, kaya nahihirapan silang makatupad sa requirements ng mga bangko para makakuha ng loan.

Sa panukalang ito, maaari nang gamitin ng MSMEs ang kanilang personal na ari-arian bilang collateral para makautang sa mga bangko at iba pang financial institutions.

Sa technical working group (TWG) na ginawa ng Committee on Banks, nagpahayag ng suporta ang iba’t ibang financial associations at mga kaukulang ahensiya ng pamahalaan sa pagpasa ng panukala.

Ayon kay Aquino, maituturing na win-win ang panukala para sa MSMEs at mga bangko. VICKY CERVALES

 

Comments are closed.