PINAPABORAN ang Barangay Ginebra na makaulit bilang leg winner sa pagpapatuloy ng PBA 3×3 Season 3 First Conference ngayong Lunes sa Ayala Malls Circuit.
Sa likod ng quartet nina Donald Gumaru, Kim Aurin, Ralph Cu, at Ralph Salcedo, nakopo ng Kings ang Leg 1 title matapos ang dramatic 19-17 overtime win laban sa upset-conscious San Miguel Beer noong nakaraang linggo.
Ang apat ay magkakasamang naglalaro sa ilalim ni coach Kirk Collier magmula noong Season 2 at bahagi ng lineup ng Barangay Ginebra sa idinadaos na PBA On Tour.
Ang constant exposure ay nakatulong sa Kings para maibulsa ang P100,000 prize money at makauna sa bagong season ng half-court game.
Sisimulan ng Kings ang kanilang repeat bid laban sa Meralco Bolts bilang top seeded team sa Pool A.
Samantala, pinangungunahan ng Beermen ang Pool B, at inaasahang muling makikipaglaban sa likod nina On Tour regulars Marvin Lee, John Apacible, at Chester Saldua, kasama si Ken Bono.
Toop seed naman sa Pool C ang Cavitex Braves.
Muling kinuha ng Grand slam winner TNT, na nabigong umabante sa semis makaraang pataubin ng San Miguel sa quarterfinals, si Samboy De Leon kapalit ni Gryann Mendoza at sasamahan sina Almond Vosotros, Lervin Flores, at Ping Exciminiano sa Leg 2 roster.
Sasalang ang Triple Giga sa laro na sariwa mula sa pagsabak sa FIBA 3×3 Macau Masters.
Ang TNT ay kasama ng Ginebra at Meralco sa Pool A.
Kasama naman ng San Miguel sa Pool B ang guest teams Wilcon Depot at Pioneer Elastoseal, gayundin ang NorthPort, habang ang Pool C ay kinumpleto ng Terrafirma, Blackwater Smooth Razor, at Purefoods TJ Titans.
Sisimulan ng Terrafirma at Blackwater ang 13-game hostilities sa opening day sa alas-10:30 ng umaga kung saan ipaparada ng Smooth Razor si Fil-Am Patrick Jamison para kay Monbert Arong.