MAHIGPIT na binalaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga smuggler at hoarder ng agricultural goods, at sinabing bilang na ang mga araw ng mga ito.
Sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Marcos na ang mga smuggler, hoarder, at nagmamanipula ng presyo ay nakaaapekto sa tumataas na presyo ng agricultural goods.
“Hinahabol at ihahabla natin sila. Sadyang hindi tama ang kanilang gawain at hindi rin ito tugma sa ating magandang layunin,” pahayag ng Pangulo, at sinabing ang kanilang ginagawa ay pandaraya.
Ayon sa Pangulo, ang mga magsasaka at konsyumer ay kapwa “nasasaktan“ ng mga gawaing ito, at nangakong hindi papayagan ng gobyerno na magpatuloy ang naturang mga gawain.
“Bilang na ang mga araw ng mga smuggler at hoarder na ‘yan,” babala ng Pangulo na sinalubong ng palakpakan sa joint session ng Kongreso.
Noong nakaraang Hulyo 4 ay ipinag-utos ng Chief Executive ang pag-iimbestiga sa smuggling ng sibuyas at iba pang agricultural products.
Ayon sa Pangulo, ang nasabing ilegal na gawain ay katumbas ng economic sabotage.