NAKATAKDANG umangkat ang Pilipinas ng 21,000 metric tons ng sibuyas sa Disyembre, ayon sa Bureau of Plant Industry ng Department of Agriculture (DA-BPI).
Sinabi ni DA-BPI Director Gerald Glenn Panganiban na ang aangkating mga sibuyas ay magpapataas sa suplay at magpapababa sa presyo nito.
“Medyo tumataas na siya, siguro P10, P20. But dahil kino-complement natin dahil halos paubos na stocks natin o baka hindi pa nailalabas, we are complementing it with the importation na sapat for the month,” ani Panganiban.
Aniya, ang local red onions ay kasalukuyang nagkakahalaga ng mula P140 hanggang P180 kada kilo.
“You will see it in the coming days or weeks na magkaka-supply na ‘yun, for sure baba na yan ang ating presyo,” sabi pa ni Panganiban.
Noong nakaraang buwan ay inatasan ng Kamara ang mga opisyal ng BPI na ipaliwanag ang paglaganap ng imported na sibuyas sa local markets.
Nagsagawa ang DA ng internal investigation sa bureau at isinumite ang kanilang sagot sa show-cause order na inisyu ng House committee on agriculture and food.
Idinagdag pa ni Panganiban na nirerepaso na ng ahensiya ang mga tuntunin sa cold storage ng imported vegetables.
“‘Pag fresh vegetables one month. ‘Pag processed na, mga 60 days. But we’re coming up with guidelines para mas maging efficient ‘yung ating import arrivals.”