TATALAKAYIN ang inaasahang makasaysayang taon para sa Philippine football sa session ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum ngayong Martes.
Magiging panauhin si Philippine Football Federation (PFF) secretary-general Atty. Ed Gastanes upang talakayin ang kampanya ng Filipinas sa FIFA Women’s World Cup at ang mga paghahandang isinasagawa ng koponan ni coach Alen Stajcic para sa July-August event na co-hosted ng Australia at New Zealand.
Inaasahang tatalakayin din ang mga kampanya kapwa ng men at women’s football teams sa darating na 32nd Southeast Asian Games sa Cambodia at 19th Asian Games sa Hangzhou, China.
Nakatakda ang Forum sa alas-10 ng umaga sa ground floor ng Rizal Memorial Sports Complex.
Ang weekly session ay itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission, Philippine Olympic Committee, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), at naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na ibinabahagi rin sa official Facebook page nito.
Hinihikayat ni PSA president Rey Lachica, sports editor ng Tempo, ang mga miyembro na dumalo sa second to the last session bago magbakasyon upang bigyang-daan ang 2022 SMC-PSA Annual Awards Night.