PHILHEALTH PINAYUHANG PATUNAYAN NA WALANG KORUPSIYON SA AHENSIYA

REP ERIC YAP-5

PARA kay ACT-CIS Cong. Eric Yap, makabubuting patunayan ni PhilHealth President Retired BGEN Ricardo Morales na hindi totoo ang alegasyon na may katiwalian sa pinamumunuang state health insurer.

Aniya, ito ay upang hindi na makarating pa sa Kongreso ang pag-imbestiga at pagsilip sa bintang na may nagaganap na katiwalian sa ahensiya.

Ang payo ni Yap, chairman ng House Appropriations Committee, ito ay matapos mag-resign ang hepe ng Anti-Fraud Department ng ahensiya dahil umano sa korupsiyon na nagaganap sa loob ng ahensiya.

Dagdag pa ni Yap, “sa halip na itanggi agad ni Gen. Morales ang nasabing akusasyon ng tao niya, alamin kung totoo ba ito o hindi dahil bakit bibitiw ang isang opisyal kung wala namang nakikitang problema gayong ito mismo ang hepe ng anti-fraud unit nila?”

Nauna nang nagbitiw sa puwesto si Atty. Thorsson Keith, ang head ng PhilHealth Anti-Fraud Department, kasama ang dalawang iba pa dahil umano’y korupsiyon sa naturang ahensya.

Agad namang nagpalabas ng pahayag si Morales at sinabing, “palagay ko hindi corruption, ‘yung mga inefficiencies diyan, tulad ng mali ‘yung pagpasok ng entries o kulang. Pero ‘yung sinasabi na may sindikato, may mafia, walang hong ebidensya.”

Payo pa ni Yap kay Morales, “mas maganda siguro na alamin ni Gen. Morales ang sanhi dahil  pangalawa na itong isyu  ng umano’y katiwalian sa ilalim ng kaniyang adminis­trasyon at mismong sa anti-fraud ang nagsasalita.” PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM

Comments are closed.