PILIPINO MIRROR @12: TAGUMPAY AT PASASALAMAT

SA loob ng labindalawang taon, napagsikapan ng ­PILIPINO Mirror na itaguyod ito bilang ­tagapaghatid ng balita sa publiko. Dinaanan ang maraming ­pagsubok ngunit ­nananatiling matatag sa gitna ng ­humihigpit na ­labanan sa nagbabagong-anyo ng media.

Hindi na lamang Tri-Media na Print, Radio, at TV ang labanan bagkus tinanggap ng PILIPINO Mirror ang hamon ng pagiging Quad-Media. Bukod sa print, electronic/broadcasting media, outdoor at transit media, mayroong digital media.

Ito nga ang isang pinagtutuunan ng pansin sa ngayon, ang galawan sa digital media. Kung kaya’t bukod sa print copy ay may digital copy ang PILIPINO Mirror, kasama pa ang pumapaimbulog na “Start Up! Usapang Payaman – Online Edition.

Ang unang tagumpay ng PILIPINO Mirror ay nakikibagay ito sa takbo ng panahon.

Sa nagbabagong mukha ng media sa publiko, ang PILIPINO Mirror ay  “adapting” o nakikibagay. Hindi na lamang ito pahayagan na nililimbag.

Ang ikalawa ay ang pagkakaroon ng pananagutan na maihatid ang balita na nananatiling disente at itinataas ang antas ng pamamahayag.

Ang ikatlo ay ang pagkakaroon ng kababaang loob. Ang kanyang pwesto sa paghahatid ng balita ay nakatuon sa negosyo, at kahit manguna man sa larangang ito, hindi ito ipagyayabang bagkus tutulungan ang mga nagnenegosyo at namumuhunan na lumago.

Ang ikaapat ay ang pakikipagkapwa tao na nagsisimula sa bakuran ng PILIPINO Mirror. Nananatiling tunay ang pakikipagkapwa tao sa loob at labas ng opisina.

Ang huli at ikalima ay ang pagiging mapagpasalamat ng bumubuo ng PILIPINO Mirror.

Dito pinapaigting ang pasasalamat sa trabahong makapaghatid ng balita dahil ito ay pangarap din ng iba na hindi na naitawid ang pisi sa pamamahayag.

Ang munting opisina bilang santuwaryo ay pangarap ng ibang nasa pamamahayag din na magkaroon ng permanenteng opisinang maipagmamalaki.

Ipinagpapasalamt ang ngiti ng bawat empleyado dahil may trabaho at responsibilidad pa sa lipunan.  Ito ay pangarap ng iba lalo na ang pinagkaitan na ng trabaho pagkaraan ng pandemya.

Ang pagiging malakas at malusog sa kabila ng mga banta ng lipunan ay pangarap ng ibang wala ng kakayahang magtrabaho pa dahil mahina na at batbat ng tensyon sa pakikibaka sa buhay katulad ng mga nararanasang sakuna, pabago-bagong klima at walang kasiguruhan sa buhay.

Hangga’t ipagpapatuloy ang mga gawain sa pamamahayag, pagbabalita, pagtataguyod ng dyaryo bilang “Ang Katuwang sa Negosyo,” hindi kakalimutan ng pamunuan,general manager, editors, reporters, account executives, accountants, HR head at staff, circulation team, photojournalists, layout artists at tagapagdala ng mga dyaryo ang mga tumatangkilik sa pahayagan, mga naniniwala sa kakayahan ng isa’t isa, mga sumusuporta sa PILIPINO Mirror at ang higit sa lahat ang walang hanggang pasasalamat sa mga biyaya mula sa Maykapal.

–Riza Zuñiga