PINAG-AARALAN na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang hirit na taas-pasahe ng ilang transport groups sa gitna ng walang prenong pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Ayon kay LTFRB Executive Director Maria Kristina Cassion, inaaral ng ahensiya ang petisyon ng ilang drivers at operators na itaas sa P10 mula sa P9 ang minimum na pasahe sa jeepney.
Sa katunayan, aniya, ay mayroon nang nakatakdang pagdinig hinggil sa nasabing petisyon sa March 8.
“Patuloy nating inaaral, may petition na natanggap natin . . At ito ay naka-set for hearing ngayong March 8,” sabi ni Cassion.
Una na ring sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na maaaring makaapekto sa paggalaw ng presyo ng krudo ang umiigting na tensiyon sa pagitan ng Russia sa ng Ukraine.
Matatandaang dumaing ang ilang drivers at operators na hindi na nila kaya pa ang sunod-sunod na taas-presyo ng produktong petrolyo na sa ngayon ay nasa higit P60 kada litro. DWIZ 882