(Pinag-aaralan ng DOH) TRAVEL BAN SA MALAYSIA, THAILAND

Francisco Duque III

INIHAYAG ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na nila ngayon ang posibilidad na isama sa travel ban ang Malaysia at Thailand sa gitna ng banta ng mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.

Ayon kay Duque, masusing minomonitor ng DOH Epidemiology Bureau (EB) ang COVID-19 outbreak sa ibang bansa.

Kabilang na, aniya, rito ang Malaysia at Thailand, kung saan tila hindi mapigilan ang pagdami ng mga tinatamaan ng Delta variant.

Sinabi ni Duque na posibleng magbigay ang DOH-EB ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 (IATF) kung daragdagan pa ang bilang ng mga bansang isasama sa travel ban.

“Tinitingnan natin Malaysia, isa-isahin natin. Tinitingnan din natin ang Thailand kung saan merong parang hindi na mapigilan ang pag-angat ng Delta variant cases. ‘Yan ang ating binabantayan,” anang kalihim sa Laging Handa briefing.

“Pinag-aaralan na rin po ‘yan ng Epidemiology Bureau ng DOH at posible na magbigay ng rekomendasyon para sa IATF kung hahabaan ba ang listahan ng mga travel ban sa mga bansa,” dagdag pa niya.

Ayon naman kay DOH-EB Director Dr. Alethea De Guzman,  sa ngayon ay kalat na sa may 98 bansa ang Delta variant, na unang natukoy noong Disyembre 2020 sa India.

Gayunman, binigyang-diin ni De Guzman na ang dalawang dose ng COVID-19 vaccine ay nananatiling epektibo laban sa Delta variant.

Matatandaang una nang isinama ng IATF ang Indonesia sa listahan ng mga bansang sakop ng temporary travel ban.

Bukod sa Indonesia, kasama rin sa travel ban, na epektibo hanggang Hulyo 31, ang India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman.  ANA ROSARIO HERNANDEZ

61 thoughts on “(Pinag-aaralan ng DOH) TRAVEL BAN SA MALAYSIA, THAILAND”

  1. 105813 835191This is excellent content material. Youve loaded this with valuable, informative content material that any reader can understand. I enjoy reading articles that are so really well-written. 463343

Comments are closed.