(Pinag-aaralan ng DTI) TAAS-PRESYO SA TINAPAY,SARDINAS

PINAG-AARALAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahilingan ng mga manufacturer ng tinapay at sardinas na taasan ang suggested retail prices (SRPs) ng kanilang mga produkto.

Ayon kay Assistant Secretary Ann Claire Cabochan ng Consumer Protection Group ng ahensiya, humihirit ang mga bread maker ng taas-presyo para matugunan ang tumataas na presyo ng trigo.

“Alam naman po natin ‘yung produkto po ng ‘yung wheat, e import po, inaangkat po natin ‘yan sa ibang bansa, atsaka may mga supply chain disruptions, alam naman po natin na the public knows na humihingi ‘yung ating mga bakers ng pagtaas ng kanilang SRP, pinag-aaaralan pa rin ‘yan at this time,” sabi ni Cabochan sa TeleRadyo.

“Although we note, ‘yung sa aming analysis for instance between last week and this week eh bahagya namang bumaba na po ‘yung presyo ng wheat flour, so we’re hoping that it will stabilize o kaya bababa pa lalo para kung sakali hindi naman tayo magtataas muna as of this time,” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Cabochan na nagkaroon na ng pagtaas sa SRP ng sardinas nang ilabas ng DTI ang huling SRP bulletin noong Mayo 11.

Gayunman ay hindi, aniya, kuntento ang ilang manufacturers sa naging pagtaas kaya humihiling pa ang mga ito ng karagdagang increase sa harap ng tumataas na halaga ng isda.

“May ilan pong nanghihingi pa rin po ng increase, further increase kasi nga ‘yung cost ng tamban, ‘yung isda na ginagamit, pati ‘yung tin, even in the world market tsaka of course .’yung transportation cost nag-iiba kasi.”

“Tuloy-tuloy po ‘yung pag-aaral ng DTI, if you remember, May 11 po ‘yung last nating issuance ng SRP list so very recent pa po ‘yung ating SRP bulletin, lahat naman ng mga produkto iyon eh there’s 218 stock-keeping units in that bulletin, have considered movements in the prices of raw materials and even ‘yung krudo, ang mga distribution cost,” dagdag pa niya.