(Pinag-aaralan ng gobyerno) FUEL SUBSIDY SA AVIATION SECTOR

Transportation Sec Arthur Tugade

MAS gusto ni Transportation Secretary Arthur Tugade na i-subsidize ang bahagi ng fuel costs ng mga airline kaysa aprubahan ang mas mataas na fuel surcharge, na ipapasa sa mga pasahero, sa gitna ng tumataas na presyo ng mga produktong petrolyo.

“Kung maaari lumihis tayo diyan kasi ‘pag mag-fuel surcharge ipapasa sa pasahero ‘yan, mapapataas na naman ang cost of travel,” sabi ni Tugade sa sidelines ng 26th anniversary celebration ng Cebu Pacific sa Mactan Cebu International Airport.

Bago pa man ang  Russia-Ukraine war ay itinaas na ng Civil Aeronautics Board (CAB) ang fuel surcharge rate para sa March 1-April 30, 2022 period sa Level 4, makaraang isaalang-alang nito ang jet fuel price na may average na $95.35 per barrel para sa December 2021-January 2022.

Sa ilalim ng Level 4 ng Fuel Surcharge Matrix, ang mga airline ay maaaring magpataw ng fuel surcharge na P108 hanggang P411 para sa domestic flights af P543 hanggang P5,026 para sa international flights.

Gayunman, maaaring muling taasan ang fuel surcharge dahil ang jet fuel price ay umabot na ng $161 per barrel hanggang March 25, 2022, tumaas ng 141.5% year-on-year, base sa datos mula sa  International Air Transport Association.

“Sa akin, ang posisyon ko, maintain mo ‘yung cost of travel at a minimum, wala munang fuel surcharge,” sabi ni Tugade.

Aniya, pag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad ng pagkakaloob ng subsidiya sa  aviation sector.

“Titingnan rin kung baka puwede magbigay ng subsidiya kagaya ng subsidiyang  pinaabot sa road sector.”

“Anything that will help in addressing the [rising] fuel cost without necessarily passing the cost to the riding public or to the passenger, I look at it with favor,” dagdag pa niya.

Hihilingin din ng DOTr sa Kongreso na aprubahan ang budget para sa fuel subsidy sa aviation sector.