PUMALO sa 186,111 na pasahero ang naserbisyuhan sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) noong Miyerkoles, Disyembre 1.
Ito na ang pinakamalaking bilang na naitala magmula nang magbalik-operasyon ang MRT-3 noong Hunyo 2020.
Sa pahayag ng pamunuan ng MRT-3, resulta ito ng mas pinataas na passenger capacity, mas mabilis na pagbiyahe ng mga tren, at pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga running at operational na train set sa linya.
Ang kapasidad ng mga tren ay itinaas sa 70 porsiyento makaraang isailalim ang Metro Manila sa Alert Level 2.
Nasa 276 na pasahero ang kayang isakay kada train car o 827 na pasahero kada train set.
Ayon sa MRT-3, may average na 17 hanggang 21 train sets ang napapatakbo sa main line.
Sa kabila ng pagbuhos ng mga commuter ay tiniyak ng pamunuan ng MRT-3 na mahigpit na ipinatutupad ang minimum public health at safety protocols sa buong rail line.