Ang simpleng ubo at sipon kapag hindi naagapan ay maaaring mapunta sa sakit na pneumonia. Ang sakit na nabanggit ay maaaring sanhi ng isang primary infection o ang tinatawag na direct effect ng isang infection. Puwede rin din itong sanhi ng secondary complication ng isang sakit. Ang pneumonia ay maaaring Community-Acquired o ‘yung nakukuha sa kapaligiran sa pamamagitan ng paghawa mula sa isang taong mayroon nito.
Maaari din naman itong isang hospital acquired o nakukuha kapag ang isang pasyente ay matagal ng na-admit sa ospital o na-infect ng isang causative agent mula sa loob ng hospital.
Ang pneumonia ay maaari ring makategorya ayon sa mikrobyo na dulot nito.
Maaaring dulot ito ng isang bacteria o dahil sa isang virus.
Ang mga mikrobyo na ito ay nakaaapekto sa ating alveoli na matatagpuan sa baga. Ilan sa mga bacteria na common na sanhi nito ay ang mga sumusunod:
- Streptococcus pneumoniae
- Haemophilus influenzae
- Chlamydia pneumoniae
- Mycoplasma pneumoniae
- Legionella pneumophila
Ang mga common naman na viruses na nagdudulot ng pneumonia ay ang mga sumusunod:
- Influenza A and B Virus
- Rhinovirus
- Respiratory Syncytial Virus
- Parainfluenza Virus
- Adenoviruses
- Coronavirus
Ang mga mikrobyong nabanggit ay nata-transmit sa pamamagitan ng direct contact mula sa plema at sipon ng mga mayroon nito at gayong ipapahid natin sa ating mga ilong at bibig.
Maaari rin itong makuha mula sa droplet transmission, kapag tayo ay nakalanghap ng secretions mula sa pag-ubo o pagbahing ng taong nagtataglay nito.
Ang sintomas ng sakit na pneumonia ay ubo na may plema, mahirap na paghinga, lagnat, panginginig, panghihina at kapos na paghinga. Bata man o matanda ay maaaring magkaroon nito.
Ang pagkakaiba ng viral at bacterial pneumonia ay base sa resulta ng Chest Xray, Sputum Culture, Complete blood count at sintomas at senyales ng isang tao.
Ang karamihan sa viral pneumonia ay gumagaling ng kusa at binibigyan ang pasyente ng supportive measures tulad ng hydration, antipyretics para sa lagnat, at pagpapalakas sa resistensya nito.
Samantalang ang bacterial pneumonia naman, bukod sa supportive measures na nabanggit ay nangangailangan ng antibiotics na nirerekomenda ng isang doctor.
Ilan sa mga paraan upang maiwasan ang sakit na ito ay ang mga sumusunod:
- Panatilihing malusog ang ating mga katawan
- Mag-exercise araw-araw
- Kumain ng masusustansiyang pagkain
- Iwasan ang masyadong matataong lugar or gumamit ng face mask kapag may tendency na ma-expose sa mga taong mayroon nito
- Hugasang mabuti ang kamay at mag-disinfect sa pamamagitan ng 70% alcohol
Kapag may katanungan, mag-email sa [email protected] o i-ike at mag-comment sa fan page na medicus et legem sa facebook.
Comments are closed.