PORMAL ng isasailalim sa pamamahala ng Philippine National Police (PNP) ang Philippine National Police Academy (PNPA).
Pinangunahan kahapon ng umaga ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang Ceremonial Turno-ver ng PNPA sa Camp Cicero Castañeda sa Silang, Cavite na dinaluhan din ni PNP Chief Oscar Albayalde.
Nabatid na matagal na panahon ding nasa pamamahala ng Philippine Public Safety College (PPSC) ang PNPA na siyang itinuturing na pangunahing institusyon para sa mga nagnanais maging pulis.
Binigyang diin ni PNP spokesman Pol. B/Gen. Bernard Banac, ang pagsasailalim sa pamamahala ng PNP ang PNPA ay malaking pagkakataon upang palakasin pa ang aspetong pisikal at pangkaisipan ng mga kadete sa pagkapulis.
Ito ay sa harap ng pinalakas na kampanya laban sa mga pasaway na pulis ang internal cleansing sa kanilang hanay.
Pahayag pa ni Banac, ngayong PNP na ang mamamahala sa PNPA, matututukan na ang pagsasanay sa mga nagna-nais maging pulis lalo na sa kanilang pag-aaral hanggang sa maging ganap na ang kanilang pangarap.
Comments are closed.