POC CHAIR TOLENTINO NANAWAGAN NG HALALAN

Abraham Tolentino

ILANG araw matapos ang biglaang pagbaba sa puwesto ni Philippine Olympic Committee (POC) president Ricky Vargas, nanawagan si POC chairman Abraham Tolentino na magsagawa ng special election para sa nabakanteng puwesto.

Plano ni Tolentino na ilahad ang anunsiyo  sa gaganaping general assembly sa June 25. Sa ilalim ng POC Bylaws Article 7 Section 6 – ang special election ay ­maaaring isagawa sa panawagan ng chairman sa loob ng 30 araw matapos mabakante ang isang puwesto kung sakaling ang mga susunod na opisyal – 1st VP at 2nd VP – ay hindi kuwalipikado na pumalit sa puwesto.

Ang dalawang opisyal ay kinakailangan na may kakayahang gampanan at may kuwalipikasyon para maging POC president. Kasama rito ang kuwalipikasyon na dapat sila ay kasalukuyang may hawak na puwesto bilang presidente  ng isang Olympic sport-NSA.

Sa Article 7 Section 11, nasasaad na ang presidente  ng POC ay kinakailangan na may apat na taong experience bilang NSA president ng isang Olympic sport  sa araw ng eleksiyon sa pagka-POC president, at kinakailangan na halal sila ng incumbent NSA presidents na kumakatawan ng Olympic sport, karagdagan pa nito ay dapat silang aktibong miyembro ng POC General Assembly sa mahigit na dalawang magkasunod na taon sa araw ng halalan.

Si 1st VP Jose Romasanta ay vice president ng volleyball, samantalang si 2nd Vice President Antonio Tamayo ay presidente  ng soft tennis, na hindi naman Olympic sport.

Samakatuwid, sa ilalim ng Article 7 Section 6, dahil hindi kuwalipikao ang 1st VP at 2nd VP para maupo bilang POC president, ang chairman ng POC ay obligadong magpatawag ng halalan para mapunan  ang bakanteng puwesto sa loob ng 30 araw na mag-resign ang pinuno.