MATAPOS ang three-week break kasunod ng kampanya ng bansa sa 32nd Southeast Asian Games, magbabalik ang weekly Forum ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ngayong Martes, May 23, kung saan magiging special guest si Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham ‘Bambol’ Tolentino sa special session sa conference hall ng Rizal Memorial Sports Complex.
Inaasahang magbibigay si Tolentino ng assessment sa performance ng Pilipinas sa Cambodia Games kung saan tumapos ang bansa sa fighting fifth o mas mababa sa 4th place finish sa 2021 edition sa Hanoi, subalit nakakolekta ng kabuuang 58 golds na pinakamarami ng bansa sa SEA Games na idinaos sa ibang bansa magmula noong 1987.
Tatalakayin din ng POC president ang nalalapit na kampanya ng Filipino athletes sa Asian Games sa Hangzhou, China sa September, kung saan ang event ay magsisilbing qualifiers sa 2024 Paris Olympics.
Magsisimula ang session sa alas-9 ng umaga hanggang alas-10:30 ng umaga dahil may dadaluhan si Tolentino na ilang mahahalagang bagay sa tanghali.
Sa session ay isasagawa rin ng PSA ang induction ng officers at board members nito, sa pangunguna ni newly-elected president Nelson Beltran, sports editor ng Philippine Star.
Pangangasiwaan ni Tolentino, ang kasalukuyang presidente ng Integrated Cycling Federation of the Philippines (Philcycling), ang induction ceremony.
Hinihikayat ni Beltran ang lahat ng mga miyembro at opisyal ng pinakamatagal na media organization na dumalo sa session na itinataguyod ng San Miguel Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, POC, at ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Ang weekly Forum ay naka-livestream via PSA Facebook page fb.com/PhilippineSportswritersAssociation at mapakikinggan sa delayed basis sa Radyo Pilipinas 2, na isini-share din sa kanilang official Facebook page.