(Posible sa Disyembre)TAAS-PRESYO NA NAMAN SA LPG

lpg

MAAARING muling tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) products sa susunod na buwan, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sa panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni DOE Oil Industry Management Bureau director Atty. Rino Abad na ang mga buwan ng Nobyembre at Disyembre ay kadalasang nasa impact period ng LPG inventory build-up.

“Malaki po talaga ang [chance]. Ayaw kong sabihin na 100%, wala pa akong hinahawakan na report, pero malaki ang tsansa na magkakaroon pa rin tayo ng increase,” aniya.

“Ang comfortable talaga ako na January, February, at March, ay medyo mag-e-ease out ‘yan kasi ‘yan po ay utilization period na,” dagdag pa niya.

Para sa buwang ito, ang presyo ng LPG products ay tumaas ng P3.50 per kilogram, at AutoLPG ng P1.96 per liter.

Sa kabila nito, sinabi ni Abad na maaaring magpatuloy sa mga susunod na linggo ang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo.

“Malaki po ang tsansa na, again, tumuloy probably for another more week… Sa darating na linggo, talagang nakikita na tingin ko, may tsansa pa rin na may tumuloy ang mga rollback. ‘Yan po ay very clear sa nangyayari,” aniya.

Ayon kay DOE-OIMB Assistant Director Rodela Romero, ang inaasahang big-time oil price rollback sa susunod na linggo ay dahil sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa mainland China, mas mataas na imbentaryo ng krudo sa United States, at sa price cap na ipinataw ng Russian crude.

Sa pagtaya ng oil industry sources, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring bumaba ng P3.90 hanggang P4.20.

Samantala, inaasahan naman ang P1.20 hanggang P1.50 tapyas sa presyo ng kada litro ng gasolina.