NAPAPALOOB sa 2022 national budget ang kaukulang pondo para mas mapalakas ang mga government hospital laban sa COVID-19 at iba pang mga karamdaman.
Ito ang sinabi ni Senador Sonny Angara, chairman ng Senate committee on finance, na nanguna sa pagpasa ng pambansang pondo ngayong taon.
Ayon kay Angara, pangunahing layunin ng 2022 national budget na mapalakas ang healthcare system ng bansa upang mapunan ang mga pangangailagan ng government hospitals sa laban ng mga ito sa posibleng pagdami pa ng COVID variants at maaksiyunan ang mga pangangailangang medikal ng COVID patients.
Binigyang-diin ng senador na higit na kailangan ngayon ang mas pinalakas na state-run hospitals dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng COVID cases at ang pagdating ng bagong variants nito.
“Nakikita naman natin na ang dami na namang kaso ng COVID ngayon. Kaya tama lang talaga na binigyan natin ng sapat na suporta ang ating government hospitals dahil sila ang takbuhan ng mga kababayan nating walang kakayahang magpagamot sa mga pribadong ospital. Kahit limitado ang pondo ng gobyerno ngayon, dapat, sapat pa rin ang budget para sa ating health systems,” ayon kay Angara.
Kabilang sa government hospitals na tumanggap ng malaking pondo sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) ang UP-Philippine General Hospital (UP-PGH) na may dagdag budget na umaabot sa P510 milyon. Ito ay para mailaan sa pagsasaayos ng kanilang mga pasilidad at pagbili ng mga makabagong kagamitan.
Halagang P169.7-M ang inilaan para sa improvement ng kanilang Central Intensive Care Unit, habang P130 naman ang alokasyon para sa kanilang Dual Plane Angiogram Suite. Ito ay para sa epektibong pangangalaga sa mga pasyenteng sasailalim sa cardiac at vascular procedures.
Pinaglaanan din ng P120 milyong pondo ang rehabilitasyon ng Nurse’s Home Building o mas kilala sa taguring “Bahay Silungan”. Base ito sa kahilingan ni Dr. Gap Legaspi, director ng PGH, para magkaroon ng pansamantalang matutuluyan ang PGH healthworkers at ang ilang transient patients.
Kabuuang P90-M din ang inilaan sa fire protection system ng Central Block Building ng PGH upang mas masiguro ang kaligtasan ng ospital na dumanas ng malaking pinsala sa naganap na sunog noong nakaraang taon.
Sa ilalim pa rin ng 2022 GAA, pinaglaanan ng kabuuang pondo na P656.8 milyon ang East Avenue Medical Center o EAMC para sa kinakailangang upgrade ng kanilang pasilidad at mas mapalakas ang kanilang serbisyo sa publiko.
Kabilang sa naturang pondo ang P127.6-M para sa konstruksiyon ng kanilang Multispecialty Catheterization Laboratory; P60-M para sa CT Scan machine; P58 milyon para makabili ng makabagong neurosurgical equipment at para sa renovation at upgrading ng iba’t ibang pasilidad ng nasabing pagamutan.
Nakatanggap naman ng karagdagang pondong P75-M ang Lung Center of the Philippines (LCP) para mas mapunan ang mga kinakailangang gamutan ng mga pasyenteng may lung cancer at iba pang sakit sa baga.
At para masuportahan ang taunang screening ng hanggang 400 pasyente, naglaan din ng karagdagang P25-M. Layunin nito na magkaroon ng early detection sa mga pasyenteng posibleng may lung cancer.
Naglaan din ng P20-M para sa lung transplant program ng LCP para sa mga pasyenteng nasa advance stage na ang nasabing karamdaman.
Halagang P30-M naman ang inilaan sa Hospital Information System ng LCP dahil ayon kay Dr. Vincent Balanag, direktor ng LCP, 10 taon na ang kanilang IT system at nangangailangan na ng upgrading.
Tumanggap naman ng alokasyong P8.5-M ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC), kaugnay ng kanilang pakiusap na mapagkalooban ng medical assistance ang mga batang may congenital heart disease na nangangailangan ng agarang operasyon.
“Dahil walang kakayahan ang mga kababayan nating mahihirap na makapagpagamot sa mga pribadong ospital, mahalaga na mapalakas natin ang government hospitals upang matulungan sila sa kanilang mga suliraning medikal. Taglay ng mga ospital na ito ang specialized care na itinuturing na kabilang sa pinakamagagaling sa buong bansa. Dahil diyan, patuloy natin silang susuportahan sa kanilang layuning mas mapalakas at mapaunlad ang kanilang serbisyo at mga pasilidad para na rin sa kapakan ng bawat Pilipino,” dagdag pa ni Angara. VICKY CERVALES