PROBLEMA SA BASURA NAHALUAN NG POLITIKA

Limay Mayor Ver Roque

IDINEPENSA ng pamahalaang lokal ng Limay sa  Bataan na ang suliranin sa basura ay problema ng buong lalawigan at hindi ng Limay lamang.

Sagot ito ni Limay Mayor Ver Roque sa ginawang pagpapasara ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR)  sa  open dumpsite sa kanyang bayan.

Nitong nakaraang Martes (Mayo 7), binigyan ng DENR si Roque ng ‘cease and desist order’ kaugnay ng ‘open dumpsite’ ng bayan sa Brgy. San Francisco de Asis” nito, isang araw matapos ang inspeksiyong isinagawa ng isang DENR team na ni hindi diumano nakipag-ugnayan sa munisipyo ng bayan.

Ipinaliwanag ni Roque na ang tambakan ng basura nila sa Brgy. Francisco de Asis ay pansamantalang “transfer station” lamang na nakatakdang isaayos, kaya kinontrata ng Limay noon pang 2015 ang Metro Clark Waste Management Corp. (MCWMC) na naghahakot ng basura roon at itinatapon sa isang ‘dumpsite’ sa Tarlac.

Noong 2016, dagdag ni Roque, pinagtibay ng Limay ang 10-taong ‘solid waste management plan’ nito, inilipat ang mga iskwater mula sa itinalagang ‘dumpsite,’ ginawa ang kalsada at bakod sa paligid nito at pansamantalang ginawang ‘transfer station.’

Sinabi pa ni Roque na kasalukuyang kandidato ng oposisyon sa pagkagobernador laban sa reeleksiyonistang si Gov. Albert Garcia na mistulang  nahahaluan ng politika ang problema sa basura sa bayan ng Limay.

“Ang ginawa ng DENR ay tila bahagi ng politika laban dahil sa mabilisang pag-isyu ng order, na itinaon pa sa huling araw ng kampanya sa halalan sa darating na Lunes. Maaaring nakahanda na nga ang order bago pa isinagawa ang inspeksiyon,” dagdag nito.

Bilang bahagi ng plano, sinabi ni Roque na nitong nakaraang 2018, naglaan ng P40 milyon ang Limay para sa mga makinarya at kagamitan ng proyekto at habang hindi pa ito kumpleto, patuloy ang kontrata nila sa MCWMC na tuloy-tuloy namang hinahakot ang basura sa ‘transfer station’ at dinadala sa tapunan nito sa Tarlac.

Comments are closed.