Mga laro ngayon:
(FilOil Flying V Centre)
2:00 pm — Philippines vs Cocolife
4:15 pm — Petron vs UP-UAI
7:00 pm — Sta. Lucia Realty vs UE-Cherrylume
SASALANG sa unang pagkakataon ang women’s national volleyball team sa pagharap sa Cocolife sa isang no-bearing match ng 2018 Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference ngayon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.
Bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Asian Games na gaganapin sa Indonesia sa Agosto, ang women’s national pool ay maglalaro ng tat-long beses sa prestihiyosong torneo na ito.
Gayunman ay hindi makapaglalaro para sa Filipina spikers ang ilang key players bukod kay libero Denden Lazaro, na maglalaro para sa kanyang mother club, ang Asset Managers, sa 2 pm encounter bago ang bakbakan ng Petron at UP-United Auctioneers, Inc. sa alas-4:15 ng hapon.
Subalit pinakaaabangan ang 7 p.m. encounter ng Sta. Lucia (1-2) at University of the East-Cherrylume (0-2) sa Pool B ng mid-season conference.
Ang mananalo ay mananatiling buhay sa semifinal contention habang ang matatalo ay mawawalan ng pagkakataon na makapasok sa last round at babagsak sa classification round para sa 7th hanggang 10th placers.
Nangunguna ang Idle Cignal sa Pool B na may malinis na 3-0 kartada, kasunod ang Smart-Army na may 2-1.
Hindi makapaglalaro para sa national team sina Frances Molina, Mika Reyes at Rhea Dimaculangan, na sasalang para sa Blaze Spikers, na mag-tatangka sa ikalawang sunod na panalo sa Pool A.
Sa kabila ng kakulangan sa tao sa kanilang unang laro, kumpiyansa pa rin si national team head coach Shaq Delos Santos sa kanyang mga bataan na pinangungunahan nina skipper Aby Maraño, Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat, Maika Ortiz, Kianna Dy, Kim Fajardo, Majoy Baron, Cha Cruz-Behag, Mylene Paat, CJ Rosario at Dawn Macandili.
“We will miss a lot of players, but the team is ready for this game,” ani Delos Santos.
Ang national coach ay bumubuo ng chemistry sa kanilang paghahanda para sa 18th Asian Games sa Jakarta sa susunod na buwan.
“Developing our chemistry is the most important thing. This is the first competitive game of the National Team so we have to start jelling here.”
Gagabayan din ni Delos Santos ang Petron matapos ang Nationals.
Umaasa ang Blaze Spikers na maduduplika ang kanilang mainit na conference debut kung saan pinalasap nila sa Foton ang ikatlong sunod na pagkatalo, 27-25, 25-19, 22-25, 25-17, noong nakaraang Martes sa Cadiz City.