PVL: 2ND WIN TARGET NG CREAMLINE, CHOCO MUCHO

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
4 p.m. – Creamline vs Cignal
6:30 p.m. – PetroGazz vs Choco Mucho

NAKAHANDA ang Creamline at Choco Mucho, galing sa straight-set opening day victories, sa pagresbak ng kanilang mga katunggali mula sa season-opening defeats sa Premier Volleyball League All-Filipino Conference ngayon sa Filoil EcoOil Centre.

Makakasagupa ng Cool Smashers ang Cignal sa alas-4 ng hapon, habang makakabangga ng Flying Titans ang PetroGazz sa alas-6:30 ng gabi.

Ang Cignal ay galing sa 25-27, 19-25, 22-25 pagkatalo sa Chery Tiggo noong Martes ng gabi

Nalasap naman ng PetroGazz ang 18-25, 20-25, 22-25 setback sa Creamline noong Linggo.

Kahit wala si Alyssa Valdez, ang Cool Smashers ay malakas pa rin sa pangunguna nina Tots Carlos at Michele Gumabao sa kanilang season-opening victory kontra Angels.

Ito ang alalahanin ng HD Spikers, na sa kabila ng pagkakaroon lamang ng 11 errors ay nahirapan sa kanilang pag-atake kontra Crossovers.

Nagamay na ng Choco Mucho ang sistema ni Dante Alinsunurin, na dinala ng decorated coach mula sa kanyang tagumpay sa National University, at patunay rito ang 25-15, 25-20, 25-20 panalo sa Akari noong Linggo.

May ilan pang dapat ayusin ngunit mapatutunayan ng Flying Titans na isa ito sa title contenders kung patuloy silang maglalaro nang consistent.

Makakaharap ni Oliver Almadro, ang bagong coach ng PetroGazz, ang kanyang dating koponan sa unang pagkakataon. Bago lumipat sa kanyang bagong koponan sa pagsisimula ng taon, si Almadro ay nag-resign bilang coach ng Choco Mucho noong nakaraang November.