PVL: BUENA MANO SA LADY EAGLES, LADY FALCONS

volleyball

NALUSUTAN ng Ateneo de Manila University ang second set meltdown upang maitakas ang 25-16, 22-25, 25-13, 25-20 panalo laban sa Letran sa pagsisimula ng Premier Volleyball League Season 3 Collegiate Conference kahapon sa FilOil Flying V Centre sa San Juan.

Nagparamdam si Faith Nisperos sa kanyang debut para sa reigning UAAP champions Lady Eagles na may 19 points mula sa 17 attacks at pares ng aces.

Nanalasa si Vanessa Gandler sa service line, kung saan naipasok niya ang pito sa 13 aces ng Ateneo at bumanat ng walong kills para sa 15 points. Kumana si Gandler ng 15 digs para sa Lady Eagles, na naglaro na wala sina Ponggay Gaston at starting setter Deanna Wong.

“We have to adjust our rotation because Ponggay got sick kahapon talaga. You know naman hindi kumpleto ‘yung lineup naming, so we really have to make a way find a way with what we have,” wika ni Ateneo coach Oliver Almadro.

Nag-ambag si Erika Raagas ng 11 markers habang tumipa si Jules Samonte ng 8 points para sa ­Ateneo. Nagtala naman si Dani Ravena ng 23 digs at 10 excellent receptions para sa Katipunan-based squad.

Samantala, ginulantang ng College of St. Benilde Lady Blazers ang Far Eastern University Lady Tamaraws sa straight sets, 28-26, 25-22, 25-17.

Nagsanib-puwersa sina Klarissa Abriam at Chelsea Umali para sa Benilde kung saan tumipa sila ng 23 combined markers sa pagwalis sa Lady Tams.

Sa iba pang laro ay magaan na nagwagi ang Adamson Lady Falcons laban sa veteran-laden San Beda University Lady Spikers sa straight sets, 25-18, 25-22, 25-16.

Sumandal ang Lady Falcons sa kabayanihan nina neophyte Lucille Almonte at new setter Louie Romero upang ibigay ang unang panalo ng Lady Falcons sa torneo.