RAMIREZ NASUNGKIT ANG IKA-3 GOLD NG PH SA ASIAN GAMES

HANGZHOU – Nakopo ni Annie Ramirez ang ika-3 gold medal ng Pilipinas sa 19th Asian Games.

Tinalo ni Ramirez, 32, si Galina Duvanova ng Kazakhstan, 2-0, sa women’s 57 kg class ng jiu-jitsu sa XSL gymnasium dito kahapon.

Ang panalo ay dumating isang araw makaraang ibigay ni Meggie Ochoa sa jiu-jitsu ang breakthrough gold nito sa quadrennial meet nang madominahan ang women 48 kg class.

Ang isa pang gold ng Pilipinas ay nagmula kay pole vaulter EJ Obienanoong nakaraang linggo.

Si Ramirez ay may 3-1 record kontra Kazakh foe sa kanilang head-tohead match up.

Ang nag-iisang talo ay naganap sa World Games sa Birmingham, USA noong nakaraang taon.

“Masakit ‘yung pagkatalo ko na iyon. Pero somehow nakabawi ako (sa kanya) sa isang multi-sport, kasi ‘yung tinalo ko sa kanya mga championship lang,” sabi ng dating judoka mula sa University of Santo Tomas at ginabayan ni Filipino judo legend John Baylon.

“Pero mas mabigat ito, kasi hirap tayong mag-gold dito. So masarap sa pakiramdam ito.”

Sa pagwawagi ng gold, tinalo ng Filipina three-time world champion by advantage si Le Thi Thuong ng Vietnam sa Round-of-16, Fiona Toh ng Singapore by points, 7-0, sa quarterfinals, at Shamsa Alameri ng United Arab Emirates via submission sa semifinals.

Nauna rito ay nag- wagi si Jenna Napolis ng bronze makaraang gapiin si Hessa Alsham ng United Arab Emirates sa women’s 52 kg class.

Si Napolis, ang reigning Asian champion, ay nanalo sa iskor na 4-2.

Sa kabuuan, ang jiujitsu ay nagwagi na ng 2 golds at 1 bronze, isang araw na lamang ang nalalabi sa kumpetisyon.