REVISED CORPORATE TAX REFORM BILL SUPORTADO NG BUSINESS GROUPS

PCCI, MBC

NAGPAHAYAG ng suporta ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at ang Makati Business Club (MBC) sa revised bill na naglalayong ibaba ang corporate income taxes at ireporma ang fiscal incentives.

Sinabi ng Department of Finance (DOF) na binago nila ang panukalang Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) sa harap ng mga pinsalang dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.

“The new proposal called Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) is more responsive to small businesses negatively affected by the pandemic,” ayon sa DOF.

Sinabi ni PCCI president Benedicto Yujuico na ang mga pagbabagong isinagawa sa tax reform package ay makatutulong sa pagbangon ng mga kompanya mula sa epekto ng pandemya.

Ayon naman sa MBC, ang revised bill ay makatutulong sa mga negosyo na hinambalos ng COVID-19 crisis.

Sa ilalim ng  CREATE, ang corporate income tax ay ibababa sa 25 percent mula sa 30 percent.

Ani Yujuico, ang matitipid mula sa reduced tax rate ay makatutulong sa pagpondo sa patuloy na operasyon ng mga negosyo.

“The extension of the applicability of the net operating loss carryover (NOLCO) for losses incurred in 2020 from the current three years to an extended five years will allow companies to deduct incurred losses from tax payments for a longer period, providing them more time to set their finances in order,”  sabi pa ni Yujuico sa isang statement.

Iminungkahi ng PCCI na palawigin ang NOLCO sa lahat ng kompanya anuman ang laki nito upang matulungan ang mga ito na mapanatili ang trabaho dahil marami na ang nalugi dulot ng community quarantines.

Ang CREATE ang ikaapat na bersiyon ng corporate tax bill, na nagsimula bilang TRAIN 2 (Tax Reform for Acceleration and Inclusion) bago tinawag na TRABAHO (Tax Reform for Attracting Better and High-Quality Opportunities), at pagkatapos ay bilang CITIRA.

Tinutulan ng business groups, partikular ang mga nasa business process outsourcing at export-oriented industries, ang mga naunang bersiyon ng bill dahil sa pag-aalis sa fiscal incentives na kinakailangan upang mapanatiling kumpetitibo ang Filipinas, at maaari umano itong magresulta sa pagkawala ng trabaho.

Comments are closed.