(Sa first quarter ng 2023 – SWS) 2.7M PAMILYA NAKARANAS NG GUTOM

SWS-3

NASA 2.7 milyong pamilyang Pinoy ang nakaranas ng gutom sa first quarter ng 2023, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).

Sa nationwide SWS survey na isinagawa mula March 26 hanggang 29 sa 1,200 adults, lumabas na 9.8% ng pamilyang Pinoy ang nakaranas ng “involuntary hunger” dahil sa kawalan ng pagkain sa nakalipas na tatlong buwan.

Mas mababa ito sa hunger rate na 11.8% noong December 2022 at sa 11.3% hunger rate noong October 2022.

Sa kabila nito, mas mataas pa rin ito sa 8.8% hunger rate na naitala noong December 2019, bago ang COVID-19 pandemic.

Ang involuntary hunger ay pinakamataas sa Mindanao sa 11.7%, sumunod ang Metro Manila sa 10.7%, Visayas sa 9.7%, at balance Luzon sa 8.7%.

Ayon sa SWS, ang sampling error margins para sa nasabing survey ay ±2.8% para sa national percentages, tig-±5.7% sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sa 2.7 miyong pamilyang Pinoy, nasa 2.3 milyon ang nakaranas ng “moderate hunger” habang ang nalalabi ay nakaranas ng “severe hunger”.

Sa paglalarawan ng SWS, ang “moderate hunger” ay yaong nakaranas ng gutom ng isang beses lamang o ilang beses sa nakalipas na tatlong buwan, habang ang “severe hunger” ay yaong nakaranas ng madalas sa nakalipas na tatlong buwan.