(Sa hindi mapigilang oil price hikes) PRESYO NG AGRI PRODUCTS TATAAS

AGRICULTURE OUTPUT

SA linggo-linggong pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay inaasahan ang pagmahal din ng mga produktong pang-agrikultura sa merkado, kabilang ang lokal na karne ng baboy at manok.

Ayon kay Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Rep. Nicanor Briones, na siya ring presidente ng Federation of Pork Producers of the Philippines (FPPP), may direktang epekto sa industriya ng agrikultura ang sunod-sunod na pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo dahil na rin sa nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Dagdag pa ni Briones, hindi lamang lolobo ang presyo ng agri products kung hindi posibleng magkaroon din ng kakapusan o magkaubusan ng suplay sa merkado dahil sa patuloy na pagkalugi ng mga nag-aalaga ng baboy at manok na maaaring mauwi sa kanilang pagkabangkarote.

Maaari rin aniyang dumanas ang bansa ng food crisis dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kakulangan ng suplay ng mga imported na raw materials tulad ng trigo at gamit sa pagkain ng hayop, at kung may suplay man ay hindi na ito kayang bilhin ng mga negosyante dahil sobrang mahal, at sa patuloy na pananalasa ng African swine fever (ASF) sa bansa.

Makabubuti aniyang maghanda ang mga mamamayan kapag natuloy ang banta ng mga kalapit na bansa sa Asia na pigilin na rin muna ang pag-export ng pagkain tulad ng bigas, kung saan nakadepende ang Pilipinas sa mga rice exporting country tulad ng Vietnam, Thailand at India na nahaharap din sa world food security crisis.

Umaapela naman ang Agap Partylist sa mga kapwa mambabatas na gumawa ng mabilisang aksiyon at tulong sa agriculture sector sa pamamagitan ng bagong batas, at upang mabatid din kung saan napunta ang buwis mula sa Rica Tariffication Law.

– PAUL ROLDAN