(Sa kitang P500 kada araw ni Adong) PRODUKTONG SARILING ATIN,  ILALAKO ABUTIN MAN NG DILIM

SIMULA sa pagkabata hanggang sa makapag-asawa, ang paglalako ng produktong sariling atin ang ikinabubuhay na ni Adong.

Sa kuwento ni Dio­nisio De Guzman, alyas “Adong”, 48-anyos, may asawa at 3 anak na tubong San Carlos, Pa­ngasinan na dahil sa maagang ulila sa kanyang ama ay kailangan na nitong maghanapbuhay para sa kanyang ina at mga kapatid.

Kaya’t 15 taon gulang pa lamang ay sumabak na si Adong sa paglalako ng produktong sariling atin upang matulungan ang kanyang pamilya.

Si Adong ang tumayong ama ng pamilya na sa murang edad kaya’t maaga itong sumabak na sa mabigat na pasanin ng buhay.

Mula’t sapol sa ganitong klaseng hanapbuhay siya hinubog ng panahon hanggang magkaroon na siya ng asawa at tatlong anak.

Tibay ng binti, tuhod, at paa ang isa sa puhunan ni Adong sa paglalako ng produktong sariling atin.

At hindi biro ang layo ng nararating niya.

Aniya, walang hangganan, walang direksiyon at hangga’t may mara­ming tao na magtutulak sa kanya papunta sa lugar na kung saan puwedeng maibenta ang lako niyang paninda ay doon siya dadalhin ng kanyang dalawang paa.

Kuwento pa ni Adong, kung abutin man siya ng takipsilim sa isang lugar ay makikiusap na lang siya na doon muna pansamantalang titigil.

At pagkagising ng umaga, muli siyang lalarga sa kalsada.

Kumikita siya ng hala­gang P500 bawat araw.

“Sipag at tiyaga lang ang puhunan sa hanap-buhay na ito. At samahan pa ng matinding pakikisama sa kapwa”, mensahe ni Adong.

Gayundin, may pagkakataon na may nakakasalamuha siyang masamang tao.

Sa una ay magpapanggap na bibili ng produkto niyang dala, yun pala ay palihim na nanakawin ang kanyang paninda.

Ganyunpaman, malumanay at nakangiti pa rin siyang nakikipag-usap sa mamimili na mistulang walang nangyari.

Halos dalawang taon na ring hindi nakakauwi sa kanyang probinsiya si Adong kung kaya’t nagpapadala na lamang siya ng pera sa kanyang pamilya.

Mag-isa siyang namumuhay kasama ng tulak-tulak ng produktong sariling atin hanggang sa magdilim. SID SAMANIEGO