NASA 3.1 milyong pamilyang Pinoy o 12.2% ng populasyon ang dumanas ng gutom sa unang tatlong buwan ng taon, ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang numero ay mas mataas ng 0.4 points sa 11.8% o 3 milyong pamilya noong December 2021, at ng 2.2 points sa 10% o tinatayang 2.5 milyong pamilya na nakaranas ng gutom noong September 2021.
Gayunman, mas mababa ito ng 0.9 points sa 13.1% annual average para sa 2021, ayon sa SWS.
Isinagawa ang survey noong April 19-27, 2022 sa 1,440 adults sa pamamagitan ng face-to-face interviews.
Ang sampling error margins nito ay ±2.6% para sa national percentages at ±5.2% para sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng pamilyang Pinoy na dumanas ng gutom na may 18.6%, sumunod ang Mindanao, 13.1%; Balance Luzon, 11.7%; at Visayas na may 7.8%.
Lumabas din sa 97 surveys mula 1998 na ang Metro Manila ang laging una sa mga lugar na maraming nagugutom na pamilya kung saan 23 beses silang topnotcher.
– EUNICE CELARIO