NASA tatlong milyon o 11.8% ng pamilyang Pinoy ang nakaranas ng involuntary hunger ng isang beses o higit pa sa huling tatlong buwan ng 2021, ayon sa December survey ng Social Weather Stations (SWS).
Ang survey ay isinagawa ng SWS mula December 12 hanggang 16, 2021.
Ang hunger rate ay mas mataas ng 1.8 percentage points kumpara sa 10% rate noong September, subalit mas mababa sa 16.8% na naitala noong May at sa 13.6% noong June.
Ang annual average ay nasa 13.1%, mas mababa sa record-high 21.1% noong 2020, subalit mas mataas sa 9.3% average noong 2019.
Ang bilang ng mga nakaranas ng gutom ay tumaas sa lahat ng geographical areas maliban sa Balance Luzon — o sa mga lugar sa Luzon sa labas ng Metro Manila — na nagtala ng 1.1 point-drop mula 10.3% (1.2 million families) sa 9.2% (one million families). Ito ang pinakamababang hunger rate sa lugar magmula noong December 2019, nang maitala ang 6.3%.
Ang hunger rate ay pinakamataas sa Metro Manila na nakaapekto sa 22.8% ng mga pamilya, kasunod ang Mindanao sa 12.2% at Visayas sa 9.7%.
Ang fourth quarter survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,440 adults: tig-360 sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao.
Ang sampling error margins ay ±2.6% para sa national percentages at ±5.2% para sa Balance Luzon, Metro Manila, Visayas, at Mindanao. BETH C.