(Sa sobrang singil sa kuryente) P7.8-B REFUND INIUTOS NG ERC

ISANG malaking kaluwagan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin ang P7.8 bil­yong refund na iniutos ng Ener­gy Regulatory Commission (ERC) sa Manila Electric Company (Meralco) matapos mapatunayang may sob­rang koleksyon sa singil ng kuryente ng mga konsyumers sa mga nakaraang taon, sabi ni Senador Win Gatchalian.

“Dahil sa mandato nitong protektahan ang interes ng konsyumers bilang isang regulator, kapuri-puri ang pinakahuling utos na inilabas ng ERC sa Meralco. Ang kaluwagan na matatamasa ng mga mamimili sa loob ng 12 na buwan ay malaking pakinabang lalo na sa mga mahihirap na sambahayan,” ani Gatchalian.

Ang nasabing kautusan na refund na 46.69 sentimos kada kilowatt hour (kWh) ay aabot sa P93 para sa mga residential consumers na kumukonsumo ng 200 kWh.

Pinuri rin ng  senador ang Meralco sa pagtiyak sa mga customer nito ng pagsunod sa kautusan at pagpapatupad ng refund simula ngayong buwan.

“Napapanahon ito at nagpapakita rin ng pagsasaalang-alang sa interes ng mga konsyumer lalo na sa panahon na tumataas ang halaga ng iba pang pangunahing bilihin,” sabi ni Gatchalian.

Ipinag-utos ang refund matapos maisagawa ng ERC ang re-computation ng regulatory asset base (RAB) ng Meralco sakop ang taong 2012 hanggang 2015 at batay dito, lumabas na nagkaroon ng over-recoveries o labis na singil sa nasabing mga taon.

Bukod sa nasabing refund, binanggit din ng Senate Committee on Ener­gy chairperson ang ilan sa mga batas na ipinapatupad na nagpapa­ngalaga sa kapakanan ng mga konsyumer.

Kabilang dito ang Murang Kuryente Act kung saan co-author ang senador at ang Republic Act No. 115521 kung saan siya ang pangunahing may-akda sa Senado.

“Sa ilalim ng Murang Kuryente Act, nakakati­pid tayo ng P1 per kilowatt hour at katumbas ito ng P200 kada buwan o apat hanggang limang kilo ng bigas. Samantalang ang lifeline rate extension ay pagpapatuloy ng pagtanggap ng subsidiya ng pinakamahihirap nating mga kababayan. Dapat expired na ito ngayong taon pero na-extend natin ito for another 30 years para mabigyan sila ng dagdag na subsidiya,” paliwanag ni Gatchalian. VICKY CERVALES