SAGUPAAN NG ARMADONG GRUPO: 3 PATAY, 2 SUGATAN

MAGUINDANAO DEL NORTE- AGAD na binawian ng buhay ang tatlong katao  habang dalawa naman ang sugatan matapos magkaengkwentro ang mga armadong grupo sa ilang coastal barangays sa Datu Odin Sinsuat sa lalawigang ito.

Dahil sa sobrang takot ng 879 pamilya ay napilitan ng mga itong lisanin ang Barangays Mompong, Badak, Kusiong, at Linek na lisanin ang kanilang mga tahanan.

Ayon sa mga awtoridad, sumiklab ang bakbakan kamakalawa na nakaapekto sa mahigit isang libong sibilyan.

Base sa 6th Infantry Division (6ID), humuhupa na ang tensyon at wala na sa mga komunidad ang mga armadong grupo.

“Ceasefire na doon, ongoing ang troubleshoot. Sinabihan na namin ang warring groups kung may hindi kayo pagkakaunawaan na daanin sa mapayapang usapan or else manindigan ang ating AFP na talagang lalansagin namin yan. So far, tumutugon naman sila at humupa na ang tensyon doon,” ani 6ID Spokesperson, Lt. Col. Roden Orbon.

Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ng lokal na pamahalaan ang 30 beach resorts.

Hindi muna pinayagan ang mga apektadong pamilya na bumalik  sa kani-kanilang tahanan.

Kasalukuyang nananatili sa tatlong paaralan at  isang chapel ang mga apektadong pamilya habang inaasistihan ng provincial government.

Kinondena naman ng provincial government ang insidente.

“I call upon all individuals involved in this incident to cease the hostilities immediately. Conflict and misunderstanding can be resolved through dialogue and peaceful negotiation, not by escalating violence,” pahayag ni Governor Abdulraof Macacua.

“I urge our AFP and PNP to work diligently to suppress this turmoil and to identify all individuals responsible for instigating this conflict. We must ensure the safety of our citizens and restore a sense of security in our communities,” dagdag niya.

EVELYN GARCIA