KINUMPIRMA ng Department of Health (DOH) na nagkakasakit na sa evacuation centers ang ilang residenteng naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na karaniwang sakit ng mga evacuee ay acute respiratory infection dahil na rin sa epekto ng ash fall, gayundin ang hypertension dahil sa stress, sakit sa balat at diarrhea.
Tiniyak ng kalihim na may mga team na silang nakakalat para matiyak na hindi magkakaroon ng outbreak ng sakit sa mga evacuation center.
Tinitingnan din ng DOH ang mental health ng mga nasa evacuation center dahil sa trauma o depresyon na kanilang pinagdadaanan.
Pinaalalahanan ng DOH ang mga nasa evacuation center na panatilihin ang kalinisan kahit mahirap ang kinahaharap nilang sitwasyon ngayon.
Samantala, umapela si Duque sa mga nasa pribadong sektor na tumulong para madagdagan ang mga portalet sa 271 evacuation centers sa buong Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).
Sa datos ng DOH, mahigit 87,000 ang bilang ng mga nasa evacuation center.
TAAL TULOY SA PAGBUGA NG USOK
PATULOY ang paglalabas ng usok ng Bulkang Taal ganoon din ang mas madalang na mahihinang pagsabog nito.
Sa Taal Volcano bulletin na inilabas ng Phivolcs alas 8:00 ng umaga kahapon, nagbuga ang bulkan ng dark gray na ash plumes na ang taas ay 100 hanggang 800 meters.
Sa nakalipas na magdamag, nakapagtala ng 65 volcanic earthquakes at dalawa rito ay nakapagtala ng intensity I.
Simula naman noong Enero 12, 2020 ay umabot na sa 634 ang kabuuang bilang ng naitalang volcanic earthquake, 174 rito ay naramdaman at umabot sa hanggang magnitude 4.1 ang lakas.
Naobserbahan din na ang mga fissure o bitak sa lupa na unang nakita sa ilang barangay sa Lemery, Agoncillo, Talisay, at San Nicolas sa Batangas ay lumawak pa.
Ayon sa Phivolcs, nananatili ang banta hazardous explosive eruption ng Bulkang Taal sa susunod na mga oras o araw. AIMEE ANOC
Comments are closed.