LAGUNA – PATAY ang 36-anyos na babaeng sales associate nang saksakin matapos tangkang pagnakawan ng isang menor sa Brgy. San Rafael, Lungsod ng San Pablo.
Kinilala ni PLt. Col. Elmer Bao, hepe ng pulisya, ang biktimang si Sheryl Bagsic Perera, LBC employee, may live-in-partner, residente ng nasabing lugar.
Samantala, itinago naman sa alyas na “Boy” ang suspek, 16 anyos, napapabilang umano sa grupo ng Rugby Boys sa lugar.
Base sa ulat ni Bao kay Acting Laguna-PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, dakong alas-7:45 ng gabi nang tambangan ng suspek ang biktima habang aktong papauwi na ito sa kanilang inuupahang apartment mula sa pinaglilingkuran nitong tanggapan sa SM sa Lungsod ng San Pablo.
Ayon kay PMSgt. Romeo Alejandro, may hawak ng kaso, sinasabing nakapagbigay pa ng kanyang pahayag ang biktima matapos na isugod sa Community Hospital makaraan ang insidente.
Lumilitaw na habang papauwi aniya ito nang harangin ng suspek bitbit ang isang patalim kung saan tinangka pa nitong tumakbo papalayo dahil sa matinding takot subali’t agaran din itong sinalubong bago tinarakan sa kanyang kanang dibdib.
Mabilis na tumakas ang suspek makaraan ang insidente patungo ng hindi mabatid na lugar habang ang biktima ay agaran namang isinugod sa nasabing pagamutan.
Makalipas ang mahigit na ilang oras, minalas na bawian din ito ng buhay kinabukasan ng umaga kasunod ang isinagawang follow up operation ni Alejandro at kanyang mga kasamahan kung saan agarang naaresto ng mga ito ang tumakas na suspek dakong ala-1:00 ng hapon habang nakasukbit pa sa kanyang baywang ang ginamit nitong kutsilyo.
Kaugnay nito, kasong murder ang isinampa ng pulisya sa suspek kung saan kasalukuyan nang nakapiit sa San Pablo City lock up cell. DICK GARAY
Comments are closed.