QUEZON – NAIHATID na kahapon ng umaga sa kanyang huling hantungan ang pinaslang na si Vice Mayor Sergio “Popoy” Emprese.
Mula sa kanilang bahay ay idinaan at ipinasok ito sa simbahan upang maalayan ng isang banal na misa, pagtapos nito ay binigyang daan ng pamilya Emprese na makita at masilayan sa huling sandali si vice mayor ng kanyang mga supporter bago ito tuluyang dalhin sa sementeryo at ilibing.
Sa huling sandali bago ipasok sa loob ng nitso ang ataol ng bise alkalde ay muling sinilayan ng kanyang pamilya at kaanak ito, kung saan ay naging emosyunal ang kanyang asawa at mga anak sa huling sandali ng pagsulyap ng mga ito sa kanilang padre de pamilya.
Matatandaang pinasok at binaril ng hindi nakilalang suspek si Emprese noong Agosto 20 habang ito ay nakahiga sa kanilang sofa sa loob ng kanilang bahay.
Ayon sa kanyang anak na si dating Vice Mayor Serson Emprese bagamat masakit sa kanilang pamilya ang biglaang pagkawala sa kanila ng kanyang ama ay kanila ng tinatanggap nang maluwag sa kanilang kalooban ang nangyari.
Kanila na lamang itong ipinapasa Diyos at katunayan aniya ay hindi na raw sila maghahabol pa kung sino man ang suspek at wala na silang balak na magdemanda pa.
Kanila na umanong ipinapaubaya sa pulisya kung anuman ang kanilang mga hakbangin na gagawin sa naturang pangyayari. BONG RIVERA
Comments are closed.