HANOI — Wala pa ring tatalo kay Olympic gold medalist Hidilyn Diaz.
Dinomina ng unang Olympic gold medalist ng bansa ang women’s weightlifting 55 kg event upang makopo ang gold medal sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Bumuhat si Diaz ng kabuuang 206 kg sa event makaraang magtala ng 92 kg sa snatch at 114 kg sa clean and jerk. Tinangka niyang itala ang bagong SEA Games record sa 121 kg para sa clean and jerk, subalit bigo siyang magawa ito.
Ito ang ikalawang sunod na gold ni Diaz sa 55kg class, isang tagumpay na gagawin niya aniyang tuntungan para sa 2024 Paris Olympics.
“My journey to Paris starts here, so this SEA Games gold is very important for me,” sabi ni Diaz, na nanalo rin sa 2019 Games.
“Napaka-meaningful nito (SEA Games). After winning the gold medal (in Tokyo), bumalik pa rin ako, nakapag-deliver ng gold medal for the Philippines. Masaya ako na nandito ako ulit ako sa SEA Games, na i-represent ang Pilipinas,” dagdag niya makaraang ibigay ang ika-42 gold ng bansa.
Sinungkit ng Esports ang ikalawang panalo nito kahapon, ang ika-41 gold ng bansa habang nasikwat ni judoka Shugen Nagano ang ika-43 sa 66kg class subalit hindi ito sapat para makaangat mula sa fifth place sa overall standing.
Naitala ng Philippines-Sibol team nina Johnmar “Phi Villaluna” Villaluna, Danerie “Phi del Rosario” del Rosario, Salic “Hadji” Imam at Dexter “Phi Alaba” Alaba ang 3-1 panalo kontra Indonesia sa finals ng Mobile Legends: Bang Bang sa Vietnam Convention Center. Nasundan ng panalo ang tagumpay ng women’s Wild Rift squad noong Miyerkoles.
Patuloy ang pamamayagpag ng host Vietnam papasok sa huling tatlong araw ng kumpetisyon kung saan nakasisiguro na ang Thailand sa runner-up honors.
Samantala, umusad si Ian Clark Bautista sa gold medal round nang pataubin ang kanyang katumggali mula sa Cambodia sa men’s featherweight semifinals.
Sasamahan niya sina Olympic bronze medalist Eumir Marcial at defending SEA Games flyweight champion Rogen Ladon sa final round.
Ginapi ni Marcial, nakakuha ng bye sa quarterfinals, si Thai opponent Peerapat Yeasungnoen tungo sa middleweight title bout.
Naungusan ni Ladon si Thailand’s Thanarat Saengpet para makapasok din sa gold medal round.