“ANG matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan.” (Kawikaan 13:22)
Sa totoo lang, nag-iingat ako sa mga shortcuts dahil madalas na nauuwi ito sa pariwara. Halimbawa, ang misis ko at ako ay tumira sa Baguyan City, Agusan del Sur ng isang buwan. Ang pinsan ng asawa ko ay taga-Valencia, Bukidnon at siya ay ikakasal; at ang misis ko ang ninang sa kasal.
Nanaliksik ang misis ko sa internet at nakita niya na ipinagmamalaki ng gobyerno na isa raw sa “accomplishments” niya ay ang paggawa at pagkonkreto ng daanan mula Agusan del Sur hanggang Bukidnon. Hindi na raw kailangang dumaan sa mahabang daanan mula Bayugan City patungong Butuan City, pagkatapos ay papuntang Cagayan de Oro, at saka pa lang aakyat papuntang Valencia, Bukidnon, na aabot sa limang oras. Tuwang-tuwa naman kami ni misis dahil mayroon palang shortcut papunta sa aming destinasyon. Kaya nag-arkila kami ng kotse, minaneho ko na dumaan sa sinabi nilang bagong konkretong daan.
Noong una, oo nga, konkreto nga. Mabilis ang takbo namin. Pagdating sa boundary ng Agusan at Bukidnon, may karatulang nagsasabing sarado ang kalsada at hindi kami puwedeng magpatuloy.
Marami kaming pinagtanungan na tagaroon at sinabi nila na sarado nga ang kalsadang iyon. Mga tao at motorsiklo lang daw ang puwedeng makaraan; hindi puwede ang kotseng dala namin.
Itinuro kami sa ibang daan. Kaya dumaan kami sa daan na itinuro nila. May daanan nga, subalit grabe ang lubak. Nagpatuloy pa rin kami. Naawa ako sa kotse dahil kung minsan ay sumasayad ito sa mga bato at lubak ng kalsada. Nagpatuloy pa rin kami hanggang sa talagang hindi na puwedeng magpatuloy.
Naging parang puro pilapil ng bukid ang daanan. Tuloy-tuloy ang panalangin ng misis ko dahil ayaw naming masira ang sasakyan at mabalaho sa daan. Dumating sa punto na sinabi ko, “Hindi tayo puwedeng magpatuloy ng ganito. Imposible ito!” Nasumpungan namin ang aming sarili na nasa gitna ng kawalan, sa isang ilang! Nanalangin kami na iligtas kami ng Diyos.
May dumating na mga kabataang nakasakay sa motorskilo na may sidecar. Sinabi nila sa amin na wala talagang magandang daan patungong Bukidnon. Ang natitirang daan ay lalong mas masama pa ang kalagayan.
Iminungkahi nila na dumaan kami sa daang pabalik ng Butuan at mula roon ay dumaan kami sa tradisyonal na highway. Ganoon nga ang ginawa namin. Napabalik kami sa totoong daan. Inabot kami ng anim na oras para makarating sa aming patutunguhan.
Gabi na nang dumating kami sa Valencia at kapwa mainit na ang ulo namin. Tumira kami sa isang otel at kinabukasan ay um-attend kami ng kasal. Iyan kadalasan ang nangyayari sa mga dumaraan sa shortcut.
Ang pagyaman ang ganyan din. Kung magso-shortcut ka, baka may madaya kang mga kawawang tao at baka magalit ang Diyos sa iyo.
Ganyan din ang turo ng Diyos. Sabi niya, “Ang perang galing sa daya ay nawawala, Ngunit ang nag-iipon ng pera nang paunti-unti ay nagpapalago nito.” (Tingnan sa Kawikaan 13:11). Subalit may magandang payo ang Diyos para sa malinis na pagyaman – ito ay ang pamana.
Ang sabi Niya, “Ang matuwid ay nag-iiwan ng pamana hanggang sa kaapu-apuhan.” (Kawikaan 13:22). Parang magandang “shortcut” sa pagyaman ang pag-iiwan ng pamana sa iyong mga anak at apo.
Ang talagang nagtiis ng hirap at nagsakripisyo ay ang nagpamana. Ang mga pinamanahan ay nakinabang sa kanilang paghihirap. Kaya isang karunungan ang nagpapamana. Lahat ng mga matutuwid na tao sa Bibliya gaya nina Abraham, Isaac, Jacob, Job, David, Solomon, Panginoong Jesus, atbp. ay nagpamana. Pinagpala ang kanilang saling-lahi.
Ganito rin ang ginawa ng matatalinong magulang ko at ng misis ko. Nang buhay pa sila, kami ni misis ay nagsipag.
Hindi kami umasa sa aming mga magulang. Nagpakasal kami at nagpatayo ng bahay sa aming pinuhunang lupa nang walang perwisyo sa aming mga magulang. Ang tingin namin, kung mayroon mang ipapamana ang aming mga magulang, bonus na lang iyon.
Regalo ng Diyos iyon. Pero dapat ay huwag kaming umasa roon. Dahil sa aming gawain, nagkaroon kami ng mga ari-arian ni misis na pinaghirapan namin.
Nang kinuha na ng Diyos ang aming mga magulang, nag-iwan sila ng mga pamanang ari-arian. Malaking bonus ito mula sa Diyos.
Nakaiwas kami sa karalitaan dahil sa aming pagpupunyagi sa buhay at dahil sa mga pamanang iniwan para sa amin. Kaya ngayon, ganito rin ang ginagawa namin para sa aming mga anak.
Tinuruan namin sila na dapat ay magtrabaho sila ng may kasipagan. Huwag silang aasa lang sa aming ipapamana. Ayaw naming maging tamad sila. Kaya lahat sila ay may hanap-buhay. Lahat sila ay kumakayod.
Ang plano namin ni misis ay hindi para sa aming kapakinabangan lamang ang aming kinikita at iniipon. Dapat ang malaking bahagi nito ay ibibigay namin sa Diyos at sa kanyang mga manggagawa, at para din sa aming mga anak at apo. Dahil sabi ng Diyos, “Ang mabuting tao ay nag-iiwan ng pamana sa kanyang saling-lahi.”
(Maaari ninyong mapakinggan si T.Rex magturo sa kanyang YouTube Channel “PASSION FOR PERFECTION Inc.” Pakibisita po at mag-subscribe. Salamat.)