PUSPUSAN ang paghahanda ng Sipalay City upang maging matagumpay na first-time Beach Volleyball Republic on Tour hosts sa June 24-25.
Ang lungsod ng Negros Occidental ay hindi na bago sa pagho-host ng isang beach volleyball event, kung saan nagdaos ito ng isang torneo na hinost ng noo’y Vice Mayor Gina Lizares noong 2017, at nakopo nina BVR founder Bea Tan at Amanda Villanueva ang titulo laban kina Erjane Magdato at Alexa Polidario.
Karamihan sa podium finishers ay magbabalik.
Si Magdato ay makikipagtambalan kay Edrilyn Carbajosa upang katawanin ang Pontevedra, habang makakapartner ni Tan si Jennifer Cosas.
Magbabalik sina Jackie Estoquia at DM Demontaño, pumangatlo sa Sipalay invitational tournament, sa BVR on Tour.
Makalipas ang anim na taon, ang pinakamahuhusay na collegiate at club teams sa buong bansa ay tutungo sa Sipalay upang sumabak sa second BVR on Tour leg ngayong taon.
Isang malaking fan ng beach volleyball, si Lizares ay naniniwalang makatutulong ang sports sa turismo ng kanyang lungsod, gayundin sa mga kabataan.
Hindi lamang excited ang mga atleta sa two-day competition kundi inaabangan din nila ang pagbisita sa sikat na tourist destination na tinatawag na Jewel of the Sugar Island, Sipalay City.
Ang Sipalay ay magkakaroon ng sarili nitong qualifying tournament upang matukoy ang mga kinatawan ng lungsod sa BVR leg.
Magkakaroon din ng beach volleyball workshop para matutunan ng local youth enthusiasts ang sport kasama ang kanilang mga idolo.