SOTTO SWAK SA ORLANDO SA NBA SUMMER LEAGUE

KAI SOTTO

MULING magkakaroon ng pagkakataon si Kai Sotto na maisakatuparan ang kanyang pangarap na maglaro sa NBA makaraang makapasok siya sa Orlando Magic para sa darating na Summer League.

Kinumpirma ito ng agent ni Sotto na si Tony Ronzone sa CNN Philippines noong Biyernes.

“Very excited for Kai to get the opportunity to show his skill set in NBA Las Vegas Summer League with Orlando Magic. His game continues to improve against elite competition. The journey continues for Kai Sotto under the Philippine flag,” aniya.

Ang Summer League, na gaganapin sa July 7-17 sa Las Vegas, ay isang offseason tournament kung saan maaaring makapagpakitang-gilas ang mga prospect sa harap ng NBA scouts, coaches, at team executives.

Ang 7-foot-3 na si Sotto ay lumahok sa training camps ng Utah Jazz, Dallas Mavericks, at New York Knicks noong mga nakalipas na linggo.

Si Sotto ay nagwork out sa Magic noong nakaraang taon bago ang 2022 NBA Draft, kung saan hindi siya nakuha.

Ang 21-year-old ay bahagi ng Gilas pool para sa 2023 FIBA Basketball World Cup kung saan co-hosts ang bansa sa Agosto.