SSL: GOLDEN TIGRESSES NAPANATILI ANG MALINIS NA MARKA

Mga laro sa Sabado:
(Filoil EcoOil Centre, San Juan)
11 a.m. – CSB vs CSJL
2 p.m. – EAC vs vs FEU
5 p.m. – UE vs NU

BINIGO ng University of Santo Tomas ang debut ni bagong Letran coach Oliver Almadro sa 25-21, 25-23, 25-14 panalo upang manatiling walang talo sa 2023 Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship nitong Lunes sa Monday Filoil EcoOil Centre sa San Juan.

Nalusutan ng Golden Tigresses ang unang dalawang dikit na sets bago dinurog ang Lady Knights sa third upang kunin ang ikalawang sunod na panalo sa Pool C ng 16-team SSL.

Muling nanguna si rookie Angeline Poyos na may 13 points sa 11 attacks, isang ace at isang block para sa UST na dinispatsa ang Letran sa loob lamang ng 81 minuto matapos ang four-set win kontra University of Perpetual Help System Dalta sa opener.

Nagdagdag si Xyza Gula ng 9 points habang nag-ambag si setter Cassie Carballo ng 7 points sa 4 aces. Umiskor sina Regina Jurado at Kyla Cordora ng tig-7 points sa scattered attack ng Golden Tigresses.

“Hindi pa kami satisfied. Kailangan bigyan pa namin ng diin. Siyempre, a win is a win pero ‘yung level ng nilalaro namin, kailangan itaas pa,” sabi ni coach Kungfu Reyes.

Sa panalo ay pinalakas ng UST, ang SSL National Invitationals bronze medalist, ang kanilang quarterfinal bid, isang laro na lamang ang nalalabi sa preliminary round.

Huling makakasagupa ng Golden Tigresses ang two-time NCAA champion College of St. Benilde, na hindi pa sumasalang sa laro, sa Pool B ng SSL Season 2 na suportado ng Commission on Higher Education at ng Philippine Sports Commission.

Nagbuhos si Marie Nitura ng 12 points upang pangunahan ang Lady Knights, na sisikaping makabawi kontra CSB sa Sabado.

Ang lahat ng laro ay accessible sa lahat ng platforms live at on-demand sa pamamagitan ng social media pages ng Plus Network at SSL kasama ang Solar Sports, Blast TV at Aliw Channel 23 bilang TV partners.