MAGAAN na dinispatsa ng defending champion National U ang Jose Rizal U, 25-11, 25-12, 25-11, upang ipormalisa ang pagpasok sa playoffs na walang dungis sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 nitong Linggo sa Rizal Memorial Coliseum.
Dinomina ng Lady Bulldogs ang Lady Bombers sa loob lamang ng 67 minuto upang makumpleto ang 3-0 sweep sa Pool A papasok sa playoffs.
Hindi rin nahirapan ang NU sa pagdispatsa sa San Sebastian College-Recoletos, 25-18, 25-15, 25-13, at University of the East, 25-15, 25-19, 25-15, upang dalhin ang perfect record sa playoffs na tinatampukan ng top two teams mula sa bawat grupo.
Makakasagupa ng Lady Bulldogs ang Pool B No. 2 Arellano, Pool C No. 1 UST at still-to-be-known Pool D No. 2 sa bagong Pool E sa susunod na round ng SSL Season 2.
Ang Pool F ay kinabibilangan ng Pool A No. 2 UE, Pool B leader Adamson, Pool B top-seed Far Eastern U at Pool C second placer College of St. Benilde para sa single-round robin playoff positioning simula sa Oct. 14 bago ang crossover quarterfinals kontra Pool E teams.
Walong players ang umiskor ng hindi bababa sa 5 points sa pananalasa ng NU, sa pangunguna ni rookie Arah Ella Panique na may 10 points sa 7 hits, 2 blocks at ace. Nagdagdag sina Nataszha Kaye Bombita at reigning SSL MVP Alyssa Solomon ng tig-8 points.
Nakakuha rin sila ng suporta kina Mhicaela Belen, Minierva Maaya at Myrtle Escanlar na may tig-6 points habang nagtala sina Aishat Bello at captain Erin May Pangilinan ng tig-5. “Siyempre, hindi kami puwedeng maging complacent.
Hindi kami puwedeng mag-relax going into the playoffs. Mas competitive na doon. Pataas nang pataas ‘yung level.
We still have a lot to work on, especially on our service lapses,” sabi ni coach Norman Miguel.
Walang player na gumawa ng double figures para sa JRU, na tumapos na walang panalo sa Pool A tungo sa pagkakasibak.
Tanging si Mary May Ruiz, na may 5 points, ang kuminang para sa Lady Bombers na yumuko rin sa San Sebastian at UE sa 16-team SSL na suportado ng Commission on Higher Education at ng Philippine Sports Commission.