SSL: LADY WARRIORS NAGPARAMDAM

Volleyball

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre, San Juan)
11 a.m. – CSJL vs UST
2 p.m. – JRU vs SSC-R
5 p.m. FEU vs MU

WINALIS ng bagong bihis na University of the East ang Jose Rizal U, 25-14, 25-21, 25-19, para sa matikas na simula sa Shakey’s Super League (SSL) Collegiate Pre-Season Championship Season 2 nitong Linggo sa Filoil EcoOil Centre sa San Juan.

Mainit na nagpakilala si rookie Casiey Dongallo sa collegiate ranks sa paghataw ng 20 points — pawang sa attacks — upang pangunahan ang Lady Warriors para sa 1-0 kartada sa Pool A na kinabibilangan din ng reigning champion National U at San Sebastian College-Recoletos. Naglaro lamang ang California Academy standout, na itinanghal na Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) MVP noong nakaraang summer, sa huling dalawang sets ngunit sadyang malakas at hindi kinaya ng Lady Bombers. Siyam na iba pang players ang nag-ambag ng puntos, sa pangunguna ng tig-6 points mula kina Ashley Cañete at Riza Nogales kung saan kinailangan lamang ng UE ng 74 minuto para dispatsahin ang JRU sa Day 2 ng 16-team SSL Season 2.

“First, I love the fact there’s an all-to-play rule to give opportunity to all players. We’re still trying to work on two separate line-ups for the first six on both sets. So far, I’m happy that both the line-ups executed well,” sabi ni deputy mentor Obet Vital, na nagsalita para kay head coach Jerry Yee.

Sa hindi pagpasok ni Dongallo sa opener, binuhat ni veteran KC Cepeda, na tumapos na may 5 points, ang UE sa 19-9 kalamangan na hindi na nahabol ng JRU tungo sa deciding 11-point win. Nanguna si Karyla Rafael Jasareno para sa Lady Bombers na may 9 points.

Makakaharap ng UE ang NU sa susunod na Sabado habang sisikapin ng JRU na makabawi kontra San Sebastian sa Lunes para sa ikalawang linggo ng SSL na suportado ng Commission on Higher Education at Philippine Sports Commission.