UMAKYAT na sa 51 katao ang naitalang nasakatan at nasugatan sa naganap na magnitude 5.6 na lindol na yumanig sa lalawigan ng Surigao del Sur.
Sa report na natanggap ng National Disaster Risk reduction Management Council na naka base sa Camp Aguinaldo, karamihan sa mga sugatan ay nabagsakan ng mga debris mga kasangkapan sa kani-kanilang lugar sa kasagsagan ng nararamdamang pagyanig.
Ayon sa isinumiteng ulat ni P/Chief Lieutenant Wilson Uanite, pinuno ng Madrid Police Office, bukod sa mga sugatan ay may mga gusali ring nasira kabilang na ang ilang kabahayan, simbahan at ospital dahil sa lakas ng lindol
Napilitan din ang mga awtoridad na ilikas ang mga pasyente sa Madrid District Hospital matapos makitaan ng mga bitak ang mga pader at mga poste ng ospital.
Pansamantalang sa labas ng Madrid District Hospital sa Surigao del Sur nanatili ang mga pasyente dahil kailangan suriin ang gusali at ayusin ang mga nagbagsakan ng kagamitan sa loob ng ospital.
Umaabot sa 51 katao ang inulat na nasaktan bunsod ng panic at mga kagamitang nagbagsakan gaya ng isang babae na itinakbo sa pagamutan bunsod ng malalim na sugat na tinamo nito nang saluhin ang TV na sana ay babagsak sa kanyang apo.
Isa ang bayan ng Carmen sa naapektuhan ng lindol na nagresulta sa pagkasira ng ilang bahagi ng public market bukod pa sa mga nagbagsakang kisame ng St. Vincent Parish sa nasabi ring bayan.
Naramdaman ang Intensity 5 sa Carrascal at Butuan City sa Agusan del Norte. Intensity 4 naman sa Surigao City sa Surigao del Norte; Tandag City sa Surigao del Sur; Gingoog City at Magsaysay sa Misamis Oriental; at Talacogon sa Agusan del Sur.
Naramdaman ang naturang lindol bandang alas-4:42 ng madaling araw noong July 13 kung saan ang sentro nito ay naitala sa northeast coast ng isla ng Mindano. VERLIN RUIZ
Comments are closed.