SUNS PINALUBOG NG HEAT

KUMANA si Tyler Herro ng game-high at season-high 33 points, at nagdagdag si Duncan Robinson ng 27 points nang gibain ng Miami Heat ang host Phoenix Suns, 123-100, Sabado ng gabi.

Ang 33 points ni Herro ay kulang na lamang ng dalawa para sa franchise record ng Miami para sa high-scoring game ng isang reserve. Bumuslo si Herro ng.  12-of-20 shots, kabilang ang 3-of-4 sa 3-pointers sa loob ng 34 minuto. Nagtala si Robinson ng 8-of-16 mula sa arc, at ang kanyang 27 points ay season high din.

Nakakuha rin ang Heat, kumamada ng 50 percent mula sa 3-point territory, ng 14 points at game-high 13 assists mula kay Kyle Lowry. Nagdagdag si teammate Omer Yurtseven ng game-high 16 rebounds na may kasamang 8 assists at 7 points.

Bumagsak ang Suns sa 17-5 sa kanilang home court. Pinangunahan sila ni Devin Booker, na umiskor ng 26 points ngunit gumawa lamang ng 5-of-15 shots mula sa floor. Nakakuha rin ang Phoenix ng 20 points mula kay Mikal Bridges, at nalimitahan si star point guard Chris Paul sa 9 points at 7 assists, at gumawa lamang ng 3-of-9 shots.

GRIZZLIES 123,

CLIPPERS 108

Umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 26 points, kumamada si Desmond Bane ng 5-of-8 mula sa 3-point range at kumubra ng  23 points, at naging sandigan ng bisitang  Memphis ang dominanteng second quarter upang pataubin ang Los Angeles.

Sinimulan ng Memphis ang first leg ng weekend back-to-back sa Los Angeles kung saan na-sideline si leading scorer Ja Morant dahil sa thigh injury. Sa kawalan ng produksiyon ni Morant (25.0 points, 6.6 assists per game), ang Grizzlies ay maagang nagkumahog at nalamangan ng hanggang 12 points sa first quarter.

Isang 10-0 run sa kaagahan ng second quarter ang nagbigay sa Memphis ng 38-20 kalamangan sa period, at hindi naghabol kailanman ang bisitang  Grizzlies sa second half tungo sa kanilang ika-8 sunod na panalo.

PACERS 125,

JAZZ 113

Nagbuhos si Domantas Sabonis ng career-high 42 points sa 18-of-22 shooting, at nag-ambag si Lance Stephenson ng 16 points at 14 assists mula sa bench upang pangunahan ang Indiana kontra Utah sa Indianapolis.

Pinutol ng Pacers ang  six-game losing streak, habang nalasap ng Utah, na naglaro na wala sina  Rudy Gobert at Joe Ingles, kapwa nasa health and safety protocol ng NBA, ang ikalawang sunod na kabiguan.

Nanguna si Donovan Mitchell para sa Jazz na may 36 points sa 13-for-27 shooting at nag-ambag ng 9 assists makaraang lumiban sa laro noong Biyernes dahil sa back injury. Tumapos sina Bojan Bogdanovic at Jordan Clarkson, kapwa hindi naglaro noong Biyernes, na may 21 at 18 puntos, ayon sa pagkakasunod.

CELTICS 99,

 KNICKS 75

Naitala ni Jaylen Brown ang kanyang unang  career triple-double na may 22 points, 11 assists at 11 rebounds nang maiganti ng Boston ang pagkatalo nito sa New York dalawang gabi na ang nakalilipas, sa pamamagitan ng home win.

Kumabig si Jayson Tatum ng 19 points at nagdagdag si Josh Richardson ng 17 mula sa bench para sa Celtics. Tumipa si Robert Williams III ng 12 points, at nag-ambag si Marcus Smart ng 10 points at 4 steals para sa Celtics, na pinutol ang kanilang two-game skid.

Tumapos si RJ Barrett na may 19 points at tumipa si Immanuel Quickley ng 18 upang pangunahan ang Knicks. Kumamada si Julius Randle ng 13 points sa 6-of-19 shooting na may 12 boards at 6 assists.

Sa iba pang laro ay dinispatsa ng Hornets ang Bucks, 114-106, at pinadapa ng Pistons ang Magic, 97-92.