(Suportado sa Senado) CONFIDENTIAL FUND SA DICT, INTEL AGENCIES

PABOR si Senador Joseph Victor Ejercito na mabigyan ng Confidential Intelligence Fund ang Department of Information and Communications Technology (DICT) dahil nakalantad sa cyber attack at cyber hacking ang Pilipinas.

Ayon kay Ejercito, kumpara sa ibang civilian agencies, mas nais niyang madagdagan ang CIF ng DICT.

Aniya, dapat ding dagdagan ang intelligence fund ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Department of National Defense (DND) at Philippine Coast Guard dahil sa sitwasyon sa West Philippine Sea ( WPS ).

Sinabi rin ni Ejercito na hindi naman siya tutol sa CIF ng ilang civilian agencies ng gobyerno subalit dapat na i-justify nila ito sa Senado kung saan at paano gagamitin at kung bakit kailangang taasan ang kanilang intelligence fund.

Aminado si Ejercito na noon ay ang Office of the President lang ang may intelligence fund at dumami na lang ang ahensiyang humihingi nito sa budget na nagsimula noong nakaraang taon.

Tulad ng mungkahi ng ilan, suportado rin ni Ejercito ang panukalang i-report sa Kongreso ng ahensiya sa isang executive session kung papaano nila nagamit ng Confidential and Intelligence Fund.

-VICKY CERVALES